OCTA: Tulfo bros, nanguna sa senatorial survey
MANILA, Philippines — Nanguna ang magkapatid na Cong. Erwin Tulfo at Bienvenido “Ben” Tulfo, gayundin sina dating Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III, at Senator Bong Go sa pinakahuling senatorial survey na isinagawa ng OCTA Research.
Sa Tugon ng Masa third quarter 2024 poll ng OCTA, lumitaw na sina ACT-CIS Partylist Rep. Tulfo na nakakuha ng 60% voter preference at kanyang kapatid na si Ben na mayroon namang 57%, ang nasa 1st at second spot.
Nasa third to fourth spot si Sotto na may 50% voter preference kasunod si Go na may 49% at nakopo ang third to sixth spot.
Nag-tie naman sina dating Sen. Panfilo Lacson at Sen. Ramon Bong Revilla sa fourth to sixth place sa voter preference na 44%.
Nakakuha naman ng 35% preference si Sen. Pia Cayetano para makopo ang 7th to 12th spot.
Si Senator Francis “Tol” Tolentino at Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao naman ang nakakuha ng 7th to 13th spot na may 34% voter preference.
Samantala, sina Sen Imee Marcos, Sen. Lito Lapid, at dating Pang. Rodrigo Duterte ay mayroong 33% preference para sa 7th to 15th spot.
Sinundan sila ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa (28%) na nasa 8-15 spot; DILG Sec. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. (29%) at Willie “Doc Willie” Ong (28%) na nasa 10-16 spot.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2 na may 1,200 respondents na nagkaka-edad ng 18-taong gulang at pataas.
Ang mga respondents ay tinanong ng “Narito po ang listahan ng mga personalidad na maaring tumakbo sa eleksyon sa Mayo 2025. Kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon, sinu-sino sa kanila ang malamang na iboboto ninyo bilang SENADOR? Maaari po kayong pumili ng hanggang 12 na pangalan.”
Ang survey ay may ±3% margin of error na nasa 95% confidence level.
- Latest