DOJ: Extradition ni Teves, maaantala pa
MANILA, Philippines — Inaasahang maaantala pa ang extradition o pagbabalik sa Pilipinas kay dating Negros Oriental representative Arnolfo Teves, Jr.
Ipinaliwanag ng Department of Justice (DOJ) na kinakailangan pa kasing dumaang muli sa panibagong proceedings ang extradition case ni Teves sa Timor Leste bilang resulta ng procedural objections na isinagawa ng mga abogado nito.
Ayon naman kay DOJ Assistant Secretary Mico Clavano, sa nasabing panibagong pagdinig, ang mga parehong ebidensiya laban kay Teves ay ipiprisinta muli, ngunit sa pagkakataong ito ay sa harap naman ng tatlong hukom.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang DOJ na pareho rin ang magiging resulta ng panibagong proceedings at sa lalong panahon ay mapapauwi sa Pilipinas ang pinatalsik na mambabatas upang harapin ang inihaing multiple murder charges laban sa kanya.
Si Teves ang itinuturong utak sa pagpatay kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo sa loob mismo ng kanyang tahanan, na ikinasawi rin ng siyam katao pa.
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na anumang taktika ang gamitin ni Teves ay hindi nito mahahadlangan ang kanilang determinasyon na maibalik siya sa Pilipinas upang panagutan ang mga kinakaharap na kaso.
- Latest