Pagpopondo sa mga NPA-free barangay ikinagalak ng NTF-ELCAC
MANILA, Philippines — Ikinagalak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang pangako ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na popondohan ang mga barangay na nalinis na at napalaya sa kamay ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Ernesto Torres, Jr., mahalaga ang pangakong binitiwan ni Romualdez, dahil malaki ang maitutulong nito upang mapanatili ang kapayapaan at katahimikan sa mga barangay na noo’y pinipeste ng mga NPA.
Muling pinagtibay ni Romualdez ang suporta ng House of Representatives sa Barangay Development Program (BDP) ng Task Force, na malaking instrumento sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa mga nasabing barangay.
Sa dami ng mga barangay na ganito ang kalagayan, nais ni Torres na mapalawak pa ang BDP upang maalagaan ang katahimikan sa mga lugar na ito at mabigyang daan ang kaunlaran.
Inihalintulad din ni Torres ang suporta ni Speaker Romualdez sa mga pahayag ng pagsuporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang NTF-ELCAC Chairman na siya ay laging nasa likuran nito, sa pagbibigay ng BDP upang makamtan ang tunay na kapayapaan.
- Latest