Gatchalian: ‘End of the road’ na kay Alice Guo
MANILA, Philippines — Haharap ngayon sa imbestigasyon ng Senado ang nadismis na mayor ng Bamban na si Alice Guo.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, nasa “end of the road” na si Guo at makakatulong siya sa pagsugpo ng krimen kung siya ay magsasalita.
Sinabi ng senador, nakita niya ang listahan ng mga kaso ni Guo at mauubos ang mga resources, pera at oras nito sa dami ng kaso.
Sa posibilidad na gamitin ni Guo ang kanyang “right against self-incrimination”, sinabi ni Gatchalian na may hangganan ito ayon na rin sa Supreme Court.
“May limitasyon rin yan. Hindi naman yan absolute. At importante na sagutin pa rin niya yung mga katanungan ng ating mga senador at nagsabi ang Korte Suprema dyan na hindi naman niya pwede gamitin sa lahat yan,” ani Gatchalian.
Mahalaga anyang mapangalanan ni Guo ang mga taong kasabwat sa pagtatayo ng POGO sa Tarlac.
Sinabi ni Gatchalian na sa isinagawa nilang executive session ay sinabi na may sabwatan sa pagitan ng mga pulitiko at nga enforcement agencies kaya dapat matukoy ang mga ito.
Tumanggi si Gatchalian na pangalanan ang mga sinasabing kasabwat dahil nakuha ang impormasyon sa pamamagitan ng executive session.
- Latest