Garcia walang offshore accounts sa Cayman banks
MANILA, Philippines — Nakakalap si Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia ng mga ebidensiya na nagpapatunay na wala siyang offshore accounts sa dalawang Cayman Islands banks.
Ayon kay Garcia, nag-isyu na ang naturang mga bangko ng sertipikasyon na ‘non-existent’ ang mga naturang offshore accounts na sinasabing pagma-may-ari umano niya.
Sinabi ng poll chief na nakipag-ugnayan siya sa Scotiabank at Cayman National Bank online at nag- inquire kung mayroong bank accounts sa kanilang sistema, na nasa ilalim ng kanyang pangalan.
Sinagot naman umano siya ng mga ito na wala siyang account at wala ang kanyang pangalan sa sistema ng kanilang bangko.
Aniya, ipiprisinta niya ang naturang bank certifications sa isang pulong balitaan sa media ngayong Huwebes, Agosto 8.
Nauna rito, ibinunyag ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na si Garcia ay mayroong dalawang offshore bank accounts sa Cayman Islands, kung saan umano ito tumanggap ng deposito mula sa South Korean banks, na mariin naman nang pinabulaanan ng Comelec chairman.
- Latest