Quiboloy nagtatago sa KOJC compound
MANILA, Philippines — Naniniwala si PNP-Police Regional Office (PRO)-Davao region chief PBGen. Nicolas Torre III, na nagtatago lamang sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Barangay Buhangin si Pastor Apollo C. Quiboloy, batay na rin sa kanilang natatanggap na impormasyon.
Ayon kay Torre, hindi umaalis sa 30-hectare compound si Quiboloy na ginagamit ang ilan sa kanyang mga tagasunod bilang ‘shield’ upang hindi pasukin ng mga pulis ang compound.
Aminado si Torre na ito ang dahilan kung bakit nahihirapan silang isilbi ang arrest warrants laban kay Quiboloy.
“Nandiyan siya, ginagamit lang niya ang mga tao para i-shield siya. Based on the information that we have, we are inclined to really believe na nandiyan siya”, ani Torre.
Matatandaang pinigilan ng mga tagasuporta ni Quiboloy ang mga operatiba nang isagawa ang police operation noong Hunyo 10 kung saan binugahan ang mga pulis ng tubig ng mga ito. Hindi aniya ito isang self-defense sa panig ng tropa ni Quiboloy.
Sinabi ni Torre na bineberipika pa rin naman nila ang mga impormasyon na kanilang natatanggap sa hotline matapos ang pagpapalabas ng P10 milyong reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon.
“Kung talagang inosente ka, submit yourself to the rule of law. Surrender kayo sa judge. Dalhin ninyo ang napakagaling ninyong abogado,” dagdag ni Torre.
- Latest