‘No collection policy’ pinaalala ng DepEd
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) kahapon ang mga paaralan na hindi sila dapat mangolekta ng anumang bayarin mula sa mga mag-aaral at mga guro sa lahat ng public at private elementary at secondary schools sa panahon ng enrollment period at iba pang pagkakataon, sa buong panahon ng school year.
Sa DepEd Memorandum No. 41, s. 2024, o The Reiteration of the “No Collection Policy” in Schools, ipinaalala ni Education Secretary Sonny Angara sa mga field at school officials ang mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta ng mga tiket o koleksiyon ng mga kontribusyon, anumang uri, mula sa mga mag-aaral at mga guro, sa public at private schools, colleges at universities.
Ayon sa DepEd, sakop ng prohibisyon ang sinumang tao para sa anumang proyekto o layunin, maging boluntaryo man ito o hindi.
Gayunman, hindi naman sakop ng naturang polisiya ang membership fees sa Red Cross, Girl Scouts of the Philippines, at Boy Scouts of the Philippines, gayundin ang mga kontribusyon ng mga magulang at iba pang donors at stakeholders para sa suporta ng barrio high schools.
Babala pa ng ahensiya na ang lahat nang hindi tatalima sa naturang prohibisyon ay maaaring patawan ng parusang multa o pagkabilanggo.
- Latest