Paggisa ng Senado sa oil spill, larga sa August 13
MANILA, Philippines — Tuloy na sa Agosto 13 ang isasagawang paggisa ng Senado sa malalang oil spill na idinulot ng paglubog ng M/T Terranova, ayon kay Senate Majority Floor Leader Francis ‘Tol’ Tolentino.
Si Sen. Tolentino ang naghain ng Senate Resolution No. (SRN) 1084 na nag-uutos sa Senate committee on environment, natural resources, and climate change na imbestigahan ang sanhi ng oil spill na naganap noong Hulyo 27.
Hangad ng resolusyon ni Tolentino na mailabas ang mga update kung paano naapektuhan ng kalamidad sa dagat ang kabuhayan ng 46,000 mangingisda sa Bataan, Cavite, Metro Manila, at mga kalapit na lugar, gayundin ang marine biodiversity at food security.
“We need to set up stricter mechanisms to prevent such incidents, and to improve our capability to immediately respond to contain, clean up, and mitigate the impact of this toxic substance on the fishing sector and the environment,” giit ng senador na binanggit ang katulad na insidente sa Pola, Oriental Mindoro noong 2023, at sa island-province ng Guimaras noong 2006.
Sa kasalukuyan, ang Philippine Coast Guard (PCG) ay tinutulungan ng US Coast Guard at ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) na nakabase sa Washington upang pigilan ang oil spill, ayon kay Tolentino, siya ring pinuno ng Senate special committee on PH Maritime and admiralty zones.
Sa kanyang programa sa radyo na ‘Usapang Tol,’ si Tolentino ay hiniling naman ni Tolentino sa Department of Agriculture na makipagtulungan sa ibang ahensya upang tulungan ang isa pang apektadong sektor - ang mga fish vendor na apektado rin ng kakaunting huli ng isda bunga ng oil spill at fish ban.
- Latest