Travel tax ipatatanggal ni Tulfo’
MANILA, Philippines — Nakatakdang ihain ni Sen. Raffy Tulfo ang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang travel tax na ipinapataw ng gobyerno sa lahat ng mga Pilipino na nagnanais magbiyahe sa ibang bansa.
Ayon kay Tulfo, ang pag-oobliga sa pagbayad ng travel tax bago makapag-abroad ay labag sa 1987 Constitution na nakapaloob sa Article III, Section 6 ng Bill of Rights.
Ang pinagbabasehan ng pamahalaan sa patuloy na pagpataw ng travel tax ay ang Presidential Decree 1183 na inilabas noong 1977.
Sa PD 1183, ang mga Filipino na exempted sa travel tax ay ang mga OFWs, sanggol, at mga opisyal ng gobyerno at mga korporasyon ng pamahalaan na opisyal ang biyahe.
Ayon kay Sen. Tulfo, pinuno ng Senate Committee on Public Services, nais niyang ma-repeal ang PD 1183, at gawing exempted na rin sa travel tax ang lahat ng pasahero sa economy class.
Pero ang mga pasahero sa first at business class ay mananatiling magbabayad pa rin ng tinatawag na luxury tax.
- Latest