Pondo sa pagtatayo, pagsasaayos ng barracks ng mga sundalo tiniyak
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na maglalaan ang Kamara ng pondo para sa pagpapagawa at pagsasaayos ng mga barracks ng mga sundalo kasabay ng pagpuri sakatapangan ng mga ito na maipagtanggol ang bansa.
Inihayag ito ni Romualdez sa kanyang pagpunta noong Huwebes sa headquarters ng 11th Infantry Division ng Philippine Army sa Camp Teodulfo Bautista sa Busbus Village, Jolo, Sulu na pinamumunuan ni Commander, Maj. Gen. Ignatius Patrimonio. Sinalubong ni Patrimonio si Romualdez, na binigyan ng arrival honors.
Si Romualdez ay sinamahan ng ilang opisyal ng Kamara gaya nina Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Agusan del Norte Rep. Jose Aquino ll, at Navotas Rep. Tobias Tiangco at ni Sulu Gov. Sakur Tan at dating Rep. Munir Arbison ng Sulu.
Pinuri ni Romualdez ang mga opisyal at sundalo sa kanilang pagtatanggol at paglaban sa mga panloob at panlabas na banta upang mapanatili ang demokrasya at soberanya ng bansa.
“We have to look after the welfare of our soldiers - our officers and men. We have to provide them with comfortable housing quarters,” ani Romualdez.
“They are the most important component of our national defense program. They are in charge of protecting the country from threats - internal or external - to promote and maintain peace,” dagdag pa ni Speaker Romualdez na nauna ng nangako na susuportahan ang dagdag na pondo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng 2025 National Expenditures Program na sisimulang talakayin ng Kamara ngayong linggo.
Iginiit ni Speaker na kung walang kapayapaan ay walang paglago sa ekonomiya.
Nangako si Romualdez na titignan ang pangangailangan na makapagtayo ng mga dagdag na barracks at pagandahin ang mga nakatayo na.
Ang pondong kailangan dito ay maaari na umanong maisama sa 2025 national budget.
Si Speaker Romualdez ay honorary member ng Sambisig class of 1991 ng Philippine Military Academy.
- Latest