2 United States Army na Pinay patay sa aksidente sa California
MANILA, Philippines — Dalawang Pinay na miyembro ng US Army ang nasawi matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyan sa Devil’s Slide, Highway 1, California.
Kinilala ang mga nasawi na sina Brylyn Aroma, 36, isang nurse at tubong Cavite. Si Aroma ay kilalang combat medic specialist at nakakuha na rin ng iba’t ibang pagkilala at parangal dahil sa kanyang serbisyo kabilang ang National Defense Service Medal, ang Global War on Terrorism Service Medal, at ang Army Service Ribbon. Nag-aral siya sa Emilio Aguinaldo College sa Maynila at De La Salle University.
Habang si Angelica Gacho, 28, na isa ring Filipina at kasapi ng US Army, ay isang communication and water treatment specialist na nakatanggap na rin ng mga parangal kabilang ang dalawang Army Achievement Medals, National Defense Service Medal, Korea Defense Service Medal, at Army Service Ribbon. Nagtapos siya sa Taguig City University.
Kasama rin nasawi si Mohammad Noory, 29, na taga Afghanistan.
Lumalabas sa ulat na noong Hulyo 26, 2024 nahulog sa isang 400-talampakang bangin at mabatong bahagi ng Devil’s Slide sa San Mateo Country coast ang kanilang sasakyan.
Bahagya rin aniyang lumubog ang sasakyan nila sa dagat.
Nagpahayag naman ng pakikiramay sa mga pamilya ng biktima ang United States Army habang patuloy rin ang ginagawang imbestigasyon kung ano ang dahilan ng aksidente.
- Latest