Apela sa pagpapalaya sa 17 Pinoy na hawak ng Houthi, gumugulong na
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na sinimulan na ang pakikipag-ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno sa apela na mapalaya na ang 17 Filipino crew ng Houthi-seized MV Galaxy Leader sa Yemen, lalo na ang tatlo na naospital at nagpapakita ng mga sintomas ng malaria.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang tatlong may sakit na marino ay kasalukuyang nasa ospital habang ang 14 ay nakasakay pa rin sa barko.
Nasa ligtas na kalagayan aniya ang mga crew na pinapakain at binibigyan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, ani Cacdac sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Patuloy din aniya ang pakikipag-usap sa mga gobyernong may komunikasyon sa mga rebeldeng Houthi.
“The Department Foreign Affairs (DFA) has reached out to the governments that have communication channels with the Houthi rebels and so we, of course, are relying and coordinating with the DFA in terms of the information,” ani Cacdac.
Kinumpirma ni Cacdac na ang Sana’a government sa Yemen ay nagbigay ng kinakailangang tulong medikal.
Ang Honorary Consul sa Yemen na si Mohammad Saleh Al-Jamal ay humingi rin ng tulong sa mga awtoridad ng Sana’a para sa pagpapalaya sa mga tripulanteng Pinoy, dahil sa kanilang humihinang kalusugan.
Nobyembre 2023 nang ma-hijack ang MV Galaxy Leader habang naglalayag ito patungong India at na-hostage ang 25 crew nito, 17 sa mga ito ay Filipino.
- Latest