^

Bansa

Mala-Ondoy na baha nagpalubog sa Metro Manila, iba pang lugar

Joy Cantos, Doris Franche-Borja - Pilipino Star Ngayon
Mala-Ondoy na baha nagpalubog sa Metro Manila, iba pang lugar
Bgy. Bahay Toro, San Jose Village, Bagong Silangan, E. Rodriguez, Quezon City, Maynila at Bolelak Malanday, Marikina City
Mga kuha nina Ernie Peñaredondo, Miguel de Guzman, Edd Gumban at Walter Bollozos

State of calamity idineklara sa NCR

MANILA, Philippines — Nagmistulang ‘water world’ ang malaking bahagi ng Metro Manila sa mala-Ondoy na malawakang pagbaha dulot ng matin­ding epekto ng southwest monsoon na pinalala pa ng bagyong Carina, ayon sa report na tinanggap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules.

Dahil dito, isinailalim na sa state of calamity ang buong Metro Manila matapos aprubahan ng Metro Manila Council ang rekomendasyon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ginanap na situation briefing sa Camp Aguinaldo na pinanguhan ng Pangulo, sinabi ni Abalos na makabubuting isailalim sa state of calamity ang MM upang mabigyan ang mga LGU ng access sa mga karagdagang pondo para sa pagtugon sa kalamidad, kasama na dito ang paglalatag ng price freeze sa mga basic goods.

Ayon kay Abalos, naglabas na rin ito ng mga direktiba sa mga LGU upang pabantayan ang mga sitwasyon sa ground level, tumulong sa mga evacuation. Malaking bahagi ng Metro Manila at kalapit na probinsya ang binaha.

Ayon sa ulat, maraming mga pangunahing highway at inner roads ang dumanas ng mula gutter hanggang abot baywang na lalim ng tubig baha dahil sa walang humpay na malalakas na pag-ulan simula pa nitong Martes ng gabi na tumindi hanggang umaga nitong Miyerkules.

Iniulat ang mga pagbaha sa mga lungsod ng Manila, Marikina, Quezon, Pasay, Taguig at Valenzuela. Gayundin sa Mandaluyong City at lungsod ng San Juan.

Sinabi ni Abalos na 70% ng Navotas City, 80% ng Malabon City at 60% ng Valenzuela City ay binaha dahil na rin sa nawasak na flood control.

Maraming mga pasahero ang na-stranded habang kaunti lamang ang mga bumibiyaheng sasakyan dahil hindi makakalusot sa baha at may mga tumirik at inanod ng baha. Nagdulot rin ang mga pagbaha ng pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa malaking bahagi ng Metro Manila.

Magugunita na ang bagyong Ondoy ay naminsala sa malaking bahagi ng bansa dahil sa idinulot na malakas na ulan na kumitil ng buhay ng 710 katao, 439 missing habang nasa P6.2 bilyon ang iniwang pinsala noong Setyembre 2009.

Una rito ay itinaas ng PAGASA ang red heavy rainfall warning sa anim na lugar sa Luzon kabilang ang Metro Manila, Rizal, Bataan, Bulacan, Pampanga at Zambales.

Nakataas naman ang orange warning alert sa lalawigan ng Tarlac habang yellow warning ang Cavite, Batangas, Laguna, Nueva Ecija at Quezon (Infanta, General Nakar, Real, Mauban, Sampaloc). Dito’y inaasahan ang mga pagbaha sa mga mabababang lugar. — Ludy Bermudo

vuukle comment

METRO MANILA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with