PNP-SAF lalarga na sa Balikatan Exercises
MANILA, Philippines — Handa nang sumabak sa kauna-unahang pagkakataon ang PNP-Special Action Force (SAF) sa isasagawang Phl-US Balikatan Exercises 2024 na magsisimula na bukas, Abril 22.
Gaganapin ang opening ceremony sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Isasagawa ang exercises mula Abril 22-Mayo 10 sa mga lugar sa Luzon kabilang ang Palawan, Laoag, Zambales at Ilocos Norte.
“This exercises serves a crucial platform for showcasing the SAF’s expertise in rapid deployment and precision operation. It’s a significant step towards enhancing our operational capabilities,” pahayag ni Major Lorenzo Dalang III, SAF Representative and Planner for the Phl-US Balikatan Exercises 2024.
Sa mga nakalipas na taon, tanging ang AFP at US troops at ilan pang mga kaalyadong foreign forces ang lumalahok sa Balikatan. Bukod dito ay marami pang mga sundalo mula sa iba pang mga bansa ang nag-oobserba sa idinaraos na war games sa Pilipinas.
Ayon sa opisyal, isa itong magandang pagkakataon upang mapalakas pa ang kanilang kahandaan at kakayahan sa internal security operations, counter terrorism at maging sa mga humanitarian activities.
Ang Balitakan war games sa taong ito ay lalahukan ng 16,000 forces kung saan nasa 11,000 dito ang mga sundalong Amerikano at 5,000 mula sa security forces ng Pilipinas.
Samantala, ito ang kauna-unahang pagkakataon na maging ang Philippine Coast Guard ay lalahok sa Balikatan drills. Ang PCG ay magdedeploy ng 44 Meter Multi-Role Response Vessels (MRRVs) at dalawa pang malalaking patrol vessels sa isasagawang sama-samang paglalayag ng Pinas, US at French Navys sa labas ng Exclusive Economic Zone (EEZs) na bahagi ng karagatan ng Palawan.
- Latest