^

Bansa

Tax break sa e-motorcycles muling iminungkahi sa Palasyo

Philstar.com
Tax break sa e-motorcycles muling iminungkahi sa Palasyo
Kuha ng mga libreng solar charging station for electronic bikes and electronic scooters sa MMDA office building sa Brgy. Ugong, Pasig City.
Release/Metro Manila Development Authority

MANILA, Philippines – Muling nanawagan ang isang international think tank organization sa gobyerno na isama ang e-motorcycles sa suspensiyon ng taripa para sa mga electric vehicles dahil mas mura ang paggamit nito kumpara sa ibang moda ng transportasyon.

Ito'y makaraang ilabas ng Palasyo ang Executive Order No. 12 series of 2023 na naglalayong suspendihin ang import duty ng ilang uri ng e-vehicles sa unang limang taon.

Sa ilalim ng EO12, ang taripa ng EVs na noon ay nasa 5% hanggang 30% ay bumaba papunta sa 0% import duty.

Ayon sa presidente ng Stratbase ADR Institute na si Dindo Manhit, naniniwala ang kanyang organisasyon na magagampanan ng EO12 ang layunin nito kung maisasama ang mga two- at three-wheeled e-vehicles katulad ng e-motorcycles.

"We believe the order would serve a better purpose if it were expanded to include two- and three-wheeled vehicles, including motorcycles, as well," sabi ni Manhit sa isang pahayag sa kanilang Facebook page.

Sinabi ni Manhit na ang mga motorsiklo ang pinakamurang moda ng transportasyon upang makapunta ang mga Pilipino sa kani-kanilang mga trabaho sa gitna ng nagtataasang presyo ng petrolyo at pamasahe.

Sa datos ng LTO, mahigit 8 milyong units ng motorsiklo ang nakarehistro sa kanilang ahensiya noong 2021.

"Motorcycles are the most cost-effective way to reach a destination not just in urban but also in more remote areas. Motorcycles can reach nooks and crannies of barangays not covered by public transport routes," dagdag pa niya.

Dito umano pumapasok ang gampanin ng gobyerno na palawigin ang isinabatas na EO12 nitong Enero at bigyan din ng insentibo ang e-motorcycles.

Bagaman ang e-motorcycles ay nakadepende sa renewable energy at napatunayang mas nakababawas sa carbon emissions, pinapatawan pa rin ang mga ito ng 30% import duty.

"It is here where Malacañang can leverage its political capital from the landslide electoral mandate it obtained in last year’s election," ani Manhit.

Idiniin pa niya na ang polisiya ay nakaangkla na sa layunin ng gobyerno na maging tagapagtaguyod ng kalikasan ngunit kailangan pa rin umano nitong repasuhin muli upang mas maraming Pilipino ang mahikayat na makiisa sa dahan-dahang transisyon papunta sa 'sustainability.'

"Malacanang should take advantage of this chance to show true leadership — for the sake of this generation, and of succeeding ones," dagdag ni Manhit.

Ayon sa datos ng WHO, 25% ng Pilipinas ang nakalalanghap ng masamang hangin na may konsentrasyong PM2.5 na limang beses na mas mataas kaysa sa  global recommendation ng organisasyon.

Ito ay dahil sa emission ng greenhouse gases na ang primaryang kontributor ay ang sektor ng transportasyon na nakapag-aambag ng mahigit 80% ng kabuuang emission ng Pilipinas.

Dahil isa ang Pilipinas sa pinakanaaapektuhan ng climate change, ang EO12 ay isa sa mga paraan ng gobyerno upang mabigyang solusyon at mapahina ang lumalalang epekto nito sa bansa.

vuukle comment

ELECTRIC VEHICLES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with