^

Bansa

Banta vs Teves galing Malacañang 'dahil sa e-sabong'? Marcos nagsalita

James Relativo - Pilipino Star Ngayon
Banta vs Teves galing Malacañang 'dahil sa e-sabong'? Marcos nagsalita
This screengrab shows Rep. Arnolfo "Arnie" Teves Jr. (Negros Oriental).
Congressman Arnie A. Teves / Facebook

MANILA, Philippines — Personal na siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaligtasan ni Rep. Arnolfo Teves Jr. (Negros Oriental, 3rd District) — na dinadawit sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo — ito habang sinasabi ng huli na may banta sa kanyang buhay galing mismo sa Palasyo "dahil sa e-sabong."

Kasalukuyan pa rin kasing hindi bumabalik ng Pilipinas si Teves kahit na nag-expire na ang kanyang travel authority noong ika-9 ng Marso, habang hinihikayat naman siya ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez umuwi upang sagutin ang mga ipinupukol sa kanya.

READ: Speaker to Teves: Come home, return to work

"Ang puno't dulo nito ay e-sabong? Hindi. Ang  puno't dulo nito ay pagkapaslang kay Gov. Degamo," wika ni Bongbong sa media, Miyerkules ng umaga.

"Nagkaproblema na kami sa e-sabong noon, but that's not what it's about. Because noong nagkakaroon ng e-sabong doon, hindi naman natin ginawa 'yung re-organization, hindi natin nilipat 'yung mga pulis, hindi natin ipinasok 'yung military dahil sa e-sabong. This is about the killing of Gov. Degamo. Pure and simple."

Una nang nag-request ng two-month leave sa Kamara si Teves dahil diumano sa ilang "banta sa kanyang buhay," bagay na hindi inaprubahan. Matatandaang ika-9 ng Marso pa nang mag-expire ang kanyang travel authority matapos niyang magtungo ng Estados Unidos para sa stem cell treatment.

Sinasabing ikinanta ng ilang suspect ang isang "Cong. Teves" bilang "mastermind" daw sa assassination kay Degamo. Ngunit hindi malinaw kung si Arnolfo o ang kapatid niyang si Pryde Henry, na dati ring mambabatas at karibal ni Degamo sa pulitika, ang tinutukoy ng mga suspek. 

"Kami naman, sa intelligence, the best intelligence we have, is that we don't know of any threat. Saan manggagaling 'yung threat? To re-assure him, we'll provide all kinds of security kung gusto mo. Mayaman ka naman, may private jet ka naman, mag-landing ka kung anong gusto mo," dagdag pa ni Bongbong.

"Mag-landing siya sa Basa [Airforce base], papaligran ng sundalo, walang makalalapit ng isang kilometro. That would guarantee his security. The only advise I could give to Cong. Arnie is habang tumatagal ito, mas nagiging mahirap ang sitwasyon mo. So mas maaga kang makauwi, mas marami pang options ang mga pangyayari."

Matatandaang hindi sinipot ni Teves ang Kamara noon Martes sa harap ng 24-hour ultimatum galing sa ethics committee, dahilan para gumawa na raw ng ulat ang mga miyembro ng panel at i-refer ito sa plenaryo para sa pinal na aksyon.

E-sabong, isyung seguridad

Martes lang nang sabihin ni Teves sa isang Facebook video na meron siyang naririnig na merong mga taong "gustong ma-solo ang e-sabong" kung kaya't tina-target siya ngayon.

Sinabihan din daw siya na merong "order" galing sa Palasyo na idiin siya sa pagpapapatay kay Degamo. Pero sa kung anong kadahilanan, wala raw ditong kinalaman ang presidente.

"Sa totoo lang, hindi ako naniniwala na si President BBM mag-o-order na tirahin ako o i-operate ako para lang ma-solo ng ibang tao ang [electronic] sabong. Hindi ganoon si President BBM," ani Teves.

"Naawa nga ako kay presidente, ginamit pa 'yung pangalan niya sa mga taong gusto lang magnegosyo ng sabong."

Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi niya kinakagat ang alok nina Romualdez na seguridad para lang bumalik sa Pilipinas. Aniya, kahit maraming security na pulis at army noon si Degamo ay nakuha pa ring ipatumba.

Sa huli't huli, iginigiit ng mambabatas na pareho lang silang biktima ni Degamo sa mga pangyayari.

"Boss Martin, hindi ko maintindihan bakit pinipilit niyo ako umuwi. Sa totoo lang gusto ko na uuwi. Kung hindi lang sa pagkadelikado ng aking buhay, umuwi na ako," banggit pa niya.

"Boss Mart [Romualdez], sorry, hindi ko kayo mapagbigyan sa hiling niyo na umuwi ako dahil hindi ko pwedeng ipagpalit ang aking buhay sa inyong kahilingan."

vuukle comment

ARNIE TEVES

BONGBONG MARCOS

ROEL DEGAMO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with