Philippines-US Balikatan joint military exercises ikinakasa na
MANILA, Philippines — Ikinakasa na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Estados Unidos ang Phl-US Balikatan joint military exercises sa taong ito na layong mapalakas pa ang pagpapalitan ng kaalaman sa interoperability operations, kapabilidad, humanitarian disaster response at iba pa.
Kasunod ito ng pagbisita sa bansa ni US Defense Secretary Lloyd Austin na nakipagpulong sa kaniyang counterpart na si Defense Secretary Carlito Galvez Jr. kung saan sinabi ng mga opisyal na apat pa ang madaragdag sa EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement ) bases bagaman hindi ito tinukoy.
Ayon kay Col. Jorry Baclor, Chief ng AFP Public Affairs Office, nitong Biyernes ay bumisita si US Lt. Gen. George Smith Jr. sa AFP Headquarters sa Camp Aguinaldo at nakipagpulong kay AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Athur Cordura.
Ang gaganaping Balikatan sa Abril ay ika-38 bilateral exercises ng magkaalyadong puwersa sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Dahil sa restriksiyon sa COVID-19 nitong 2020 at 2021 ay ipinagpaliban ang pagdaraos nito at bagaman nagdaos ng pagsasanay ang tropang Pinoy at mga Kano ay naging limitado naman ito nitong 2022 dahilan nagpapatuloy pa rin ang pandemya.
Noong Abril 2022 ay nasa 9,000 lamang ang magkasanib na puwersa ang AFP at US troops na lumahok sa taunang military exercises.
Sa taong ito ay inaasahang madaragdagan ang mga kalahok sa ‘shoulder to shoulder ‘ joint military training dahil na rin sa pagluluwag ng restriksiyon laban sa COVID at pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.
Inaasahang nakapokus sa maritime security, amphibious operations, live-fire training, urban operations, aviation operations, counterterrorism, at humanitarian assistance and disaster relief operations ang idaraos na pagsasanay.
- Latest