MPD, nakaalerto sa pagbisita ni US Defense Sec. Austin
MANILA, Philippines — Nakaalerto ngayon ang buong puwersa ng Manila Police District (MPD) dahil sa pagbisita ni United States Defense Secretary Lloyd Austin ukol sa pagpapalakas ng ‘defense partnership’ sa pagitan ng Pilipinas sa Asya Pasipiko.
Sinabi ni MPD Director PBGen. Andre Dizon na nakaalerto ngayon ang kanilang mga tauhan sa MPD Headquarters at mula Station 1 hanggang Station 14 laban sa anumang karahasan na maaaring ikasa ng mga grupo na laban sa pagbisita ng kalihim ng Estados Unidos.
Maghihigpit din sa pagbabantay ang MPD sa bisinidad ng US Embassy sa Roxas Boulevard dahil sa posibleng paglusob ng mga militanteng grupo na magkakasa ang demonstrasyon laban sa presensya ni Austin.
Iginiit ni Dizon na ipatutupad nila ang “No Permit, No Rally” habang paiiralin naman nila ang “maximum tolerance” sa mga militante.
Dumating na sa bansa si Austin nitong Martes ng gabi mula sa Republic of Korea. Ito ang ikalawang pagbisita niya sa Pilipinas mula noong 2021 at una sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Inaasahan na makikipagpulong si Austin kay Pangulong Marcos at sa kaniyang counterpart na si Defense Secretary Carlito Galvez Jr., Foreign Secretary Enrique Manalo at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Andres Centino.
Pag-uusapan ang pagpapabilis ng implementasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na magiging daan muli sa pagposisyon ng mga defense assets ng USA at pagtatayo ng mga pasilidad sa ilang base-militar sa Pilipinas.
- Latest