Ilang rescuers ng Cessna plane, nagkakasakit na

MANILA, Philippines — Dala ng matinding pagod at sama ng panahon, nagkakasakit na ang ilang ground rescuers ng nawawalang Cessna plane.
Sa pahayag ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Engr. Ezikiel Chavez ng Divilacan, Isabela dahil sa umuulan at sobrang lamig sa lugar ay umuwi muna ang isa nilang team dahil nagkakasakit na ang ilan sa kanila habang naiwan ang dalawang team.
Nababalutan anya ng ulap ang kabundukan bukod pa sa madulas ang dinaraanan ng mga rescuers sa Site Alpha.
Sinabi ni Chavez na narating na ng Team Charlie ang Site Alpha ngunit napakalawak ng lugar na kanilang gagalugarin.
Hindi pa matukoy ang naispatang ‘white object’ dahil sa makapal na ulap na bumabalot sa kabundukan.
Bukod sa team Charlie ng pamahalaang lokal ng Divilacan ay maaaring nakarating na rin ang mga kasapi ng Philippine Army sa nabanggit na lugar.
Nabatid kay Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad na nagsanib puwersa na ang tatlong rescue teams ng PA sa paghahanap sa Cessna 206 plane at mga pasahero nito sa Isabela.
Napag-alaman na dalawang grupo ang gumagalugad sa bulubunduking bahagi ng Barangay Sapinit sa Divilacan, habang ang ikatlong grupo ay naghahanap sa gubat na sakop ng Barangay Dicaruyan.
Matatandaan na napaulat na nawawala ang Cessna plane matapos umalis sa Cauayan Airport, hapon ng Martes, Enero 24.
Matapos nito ay kagyat na nagkasa ng search and rescue efforts ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, para sa anim na sakay nito kabilang ang piloto.
Samantala, nangako naman si Mayor Venturito Bulan sa mga katutubong Dumagat na bibigyan sila ng pabuya kapag nahanap nila ang nawawalang cessna plane.
Ang 10 Dumagat ay nagsimulang maghanap kahapon kung saan binigyan sila ng mga kailangang pagkain at gamit maging ang handheld radio.
Related video:
- Latest