Pinas, iaapela ang ICC probe sa ‘war on drugs’
MANILA, Philippines — Nakatakdang umapela sa International Criminal Court (ICC) ang Office of the Solicitor General (OSG) makaraan na buhayin at bigyan muli ng ‘go-signal’ ang ICC prosecutors na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa madugong “war on drugs” sa Pilipinas noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni OSG chief Menardo Guevarra na natanggap nila ang impormasyon sa pagbibigay ng pre-trial chamber ng ICC ng awtorisasyon sa muling imbestigasyon sa sitwasyon ng Pilipinas. Hindi pa naman umano sila nakatatanggap pa ng opisyal na kopya nito.
“It is our intention to exhaus our legal remedies, more particularly elevating the matter to the ICC appeals chamber,” saad ni Guevarra.
Nais umanong igiit ni Guevarra sa ICC appeals chamber na sapat at kumikilos ang sariling ‘investigative and judicial processes’ ng bansa na siyang dapat masunod.
“We can show that despite structural and resource limitations in our legal system, it is still a well-functioning system that yields positive results in its own time,” dagdag pa ni Guevarra.
Matatandaan na nasuspinde ang imbestigasyon ng ICC noong Nobyembre 2019 makaraang igiit ng pamahalaan ng Pilipinas na nagsasagawa na sila ng sariling pagsusuri sa daan-daang kaso ng pagpatay sa mga anti-drug operations.
Sa opisyal na tala, nasa 6,181 ang nasawi sa ‘war on drugs’ ngunit iginigiit ng ibang grupo na aabot umano sa 30,000 indibiduwal ng posibleng napaslang.
- Latest