Mas ligtas na Pasko, ngayong 2022 – DOH
MANILA, Philippines — Isang mas ligtas na Pasko umano ang matatamasa ng mga Pilipino ngayong 2022 na malaking-malaki ang pagkakaiba noong 2021.
Ito, ayon kay Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ay dahil mas armado ngayon ang publiko, mas mataas na vaccination rate na nakamit na ng bansa at mas handang mga pagamutan.
Inalala niya noong 2021 na punumpuno ang mga pagamutan ng mga pasyente dahil sa Delta variant, ilan sa kanila ay kailangan pang maglagay ng mga tents para sa mga pasyente sa mga parking lots habang pumipila ang mga tao para makabili ng oxygen tanks.
“Ayaw na ho nating bumalik sa dating estado,” paalala ni Vergeire.
Sa ngayon, nasa 73.7 milyong Pilipino ang nakatanggap na ng primary series ng bakuna habang 21 milyon ang nakapagpaturok ng unang booster shot.
Kahapon naman ang huling leg ng tatlong-araw na “Bakunahang Bayan” na nag-umpisa nitong Disyembre 5-7, na target ang mga batang may edad 5-11 taong gulang at pagbibigay ng booster shot sa mga kuwalipikadong populasyon.
“Ang pinakaimportante, lahat ng ospital natin ngayon ay handang-handa na mag-admit ng pasyente at maggamot ng mga pasyente. Ang sabi nga nila, naging eksperto na ang mga doktor natin dito sa Pilipinas sa paggagamot ng COVID-19,” ayon pa kay Vergeire.
- Latest