Grab, pinagpapaliwanag sa patong na surge fee sa TNVS passengers
MANILA, Philippines — Hinikayat ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa pamunuan ng Grab na ipaliwanag sa publiko kung paano nito ikinakarga ang pagpapatong ng surge fee sa mga pasahero ng TNVS taxi.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP, dapat maipaliwanag ng Grab ang usaping ito dahil madaming pasahero na maliliit na manggagawa ang higit na tinatamaan ng matinding epekto nito.
“Marahil ang SURGE ang dapat ipaliwanag kung paano at kailan idinadagdag? At dahil nga halos Grab lang ang nag-o-operate ng app para sa mga TNVS ay walang magawa ang pasahero kung hindi pumayag na lang sa mataas na singil sa pasahe dulot ng surge fee,” sabi ni Inton.
Sinabi ni Inton na batay sa computation ng LTFRB sa taripa dito, ang flagdown ng TNVS sedan ay hanggang P40, TNVS premium, P50; TNVS hatchback, P30.
Ang pasahe anya per km ng sedan ay P15, premium P18, hatchback P13 at ang pasahe kada minuto ng takbo ng sasakyan ay lahat may P2 surge.
Dahil anya sa surge fee ay tumataas lalo ang babayarang pasahe ng mga commuters ng TNVS.
“Halimbawa, nag-book ang pasahero ng TNVS sedan at ang layo ng destinasyon ay 10 kilometers at ang time of travel dahil sa traffic ay 60 minutes. So i-apply natin ang taripa ng LTFRB Flagdown 40 Per kilometer P150 (10 km x 15 pesos) Fare per min of travel P120 (60mins x 2 pesos Total (without surge) P310 pesos. Kung walang surge yan ang pasahe. Pero kung may surge. Times 2 ang per km plus per minute, so lalabas na sa halip na P270 ang pasahe ay magiging P540 ang babayaran ng pasahero dahil sa dagdag sa surge,” ani Inton.
Sinabi ni Inton na hindi dapat patungan ng surge fee ang isang pasahero kung hindi naman rush hours. Ang surge fee anya ay pinapayagan lamang na maidagdag kung ma-traffic at rush hours.
Nanawagan din si Inton sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na busisiin ang usaping ito para mapangalagaan ang kapakanan ng libu-libong commuters ng Grab sa bansa.
- Latest