^

Bansa

‘Overage’ na kakandidato sa SK, ‘di palulusutin ng Comelec

Danilo Garcia - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga ‘overage’ nang kandidato na nais tumakbo sa darating na Sangguniang Kabataan elections na huwag nang magtangka na magpasa ng ‘certificate of candidacy (COC)’ dahil sa masusi nilang susuriin ngayon ito.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na marami umanong gu­magawa nito na umaasang makalulusot dahil sa alam nila na sobrang dami ng kaso na hinahawakan ang Comelec, at hindi agad nareresolba.

Kaya upang maiwasan ang santambak na kaso na nareresolba lamang kapag patapos na ang termino ng isang SK official, sa pagpapasa pa lamang ng COC ay kanila na itong mahigpit na susuriin at tatanggihan.

“We can now refuse to accept the certificates of candidacies...’yun po ay para mapigilan na ma-prostitute ang ating electoral process,” saad ni Garcia.

Sa ilalim ng Section 10 ng Republic Act No. 10742, nakasaad na ang isang opisyal ng SK, nahalal man o appointee, ay dapat isang citizen ng Pilipinas, kuwalipikadong botante, residente ng kaniyang barangay ng hindi bababa sa isang taon at 18 hanggang 24 taong gulang sa araw ng halalan.

Isasagawa ito ng Comelec sa kabila na naratipikahan na ng Senado at Kongreso ang ‘bica­meral conference committee report’ sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections at pagdaraos nito sa Oktubre 2023 na. Tanging pirma na lamang ni ­Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kinakailangan dito.

Habang hindi pa ganap na batas, nag-umpisa na ang Comelec at National Printing Office ng pag-iimprenta ng kakailanga­ning 91 milyong balota para sa BSKE. Ito umano ay pagtitiyak lamang na may magagamit na balota para sa Disyembre 5 habang iginiit nila na hindi naman ito masasayang sakaling maipagpaliban ang halalan.

COMELEC

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with