Oral argument sa NCAP mapapaaga
MANILA, Philippines — Mapapaaga ng isang buwan ang ‘oral arguments’ ukol sa sinuspindeng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng mga lokal na pamahalaan makaraang itakda ito ng Supreme Court sa Disyembre 6, 2022.
Una nang itinakda ng SC ang oral argument ng Enero 24, 2023 bago inilipat ngayong Disyembre 6. Samantala ang ‘preliminary conference’ nito ay sa Nobyembre 4, 2022 dakong alas-2 ng hapon.
“The Supreme Court likewise ordered that the Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) be furnished a copy of the Petitions, and thereafter file its comment within 10 days from receipt of notice,” ayon sa SC.
Matatandaan na nitong katapusan ng Agosto, naglabas ng TRO (temporary restraining order) ang SC laban sa NCAP na ipinatutupad sa mga siyudad ng Maynila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, at Parañaque.
Base ito sa petisyon na inihain ng mga transport groups na Kapit, Pasang Masda, Altodap, at Alliance of Concerned Transport Organizations.
Isang abogado rin na napagmulta ng napakataas na halaga ang nagpetisyon sa SC na ideklarang ‘unconstitutional’ ang Manila City Ordinance No. 8676, na sumasakop sa polisiya.
- Latest