COVID-19 wave sa bansa maaaring tumagal hanggang ‘Ber’ months - OCTA
MANILA, Philippines — Maaaring magtagal pa ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang sa paglapit ng Kapaskuhan, ayon kay OCTA Research fellow Guido David nitong Lunes.
Pagbibigay-diin ni David, nagtagal kasi nang dalawang buwan ang Omicron BA.4 wave sa South Africa.
"Nagsimula [dito sa Pilipinas] more or less around June, July to August so dapat naka-two months na tayo," wika niya sa Laging Handa Briefing.
“Pero hindi pa tayo nasa peak. It’s taking longer. Right now, it’s looking like it will last up to 4 to 5 months, well into the ‘Ber’ months,” pagpapatuloy niya.
Ani David, ang mahabang COVID-19 wave sa bansa ay maaaring bunga ng pagdami ng iba pang variant ng virus na siyang nagdudulot ng mas pagkalat pa ng mga impeksyon.
Nito lamang Lunes nang sabihin ng Philippine Genome Center (PGC) na mayorya o 85 porsyento sa resulta ng COVID-19 sample genome sequencing nila ay binubuo ng Omicron BA.5 subvariant.
"In the past month alone, ang BA.5 po talaga is the most predominant sample or variant that we're sequencing in the Philippines, it’s anywhere between above 85% ng ating sequenced samples," ani PGC director Cynthia Saloma sa isang press briefing.
"You have to take note medyo meron tayong bias in sampling. Pero based on sequenced samples, about 85 percent of sequenced samples are composed of BA.5," dagdag pa niya.
Bukod dito, sinabi rin ni David na maaaring napahaba ang COVID-19 wave sa bansa dahil sa immunity ng bakuna na noong nakaraang taon pa naibigay at kakaunting indibidwal na nagpapaturok ng booster shot.
“Most of them had their vaccines last year pa and konti lang yung nagpa-booster so nagkakaroon ng waning immunity. Bumababa yung antibody levels natin," paliwanag ni David.
Sa kasalukuyan, sumirit na sa mahigit 3.8 milyon ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa — 37,942 dito ang aktibo at 3,709,377 ang nakarekober na.
Samantala, pumalo naman sa 60,837 ang naitalang nasawi dahil sa naturang virus. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest