^

Bansa

Gobyerno kinalampag ni Poe sa National ID

Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Dapat solusyunan ng pamahalaan ang pagkaantala sa pag-iimprenta at paghahatid ng National ID, ayon kay Sen. Grace Poe.

Sinabi ni Poe na dapat pabilisin ang pagpapalabas ng national ID na gagamitin bilang iisang card na pagkakakilanlan.

Ang paghihintay nila ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang ID ay hindi umano katang­gap-tanggap.

“Nagamit na sana nila ito bilang mapagkakatiwalaang katibayan sa pagkuha ng cash aid, fuel vouchers, benepisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong mahigpit nilang kinakailangan para makaraos sa gitna ng kahirapan,” ani Poe.

Napadali na rin sana aniya ang pakikipagtran­saksyon sa pamahalaan at pribadong sektor kung nasa hawak na ng mga mamamayan ang kanilang National ID.

“Habang patuloy nating hinihimok ang publiko na kumuha ng National ID, nananawagan tayo sa Philippine Statistics Authority na tiyakin ang kawastuhan ng mga datos sa card at maging maagap sa mga kinakaila­ngang pagbabago rito kung kinakailangan,” ani Poe.

Katibayan aniya na binigyan ng mga Pilipino ng halaga at pagkakataon ang programa dahil kalahati na ng populasyon ang nakapagrehistro na para sa ID.

“Kaya’t nararapat lamang na tapatan ito ng gobyerno­ ng masigasig na paglilingkod sa pamamagitan ng agarang pagkakaloob ng card sa naghihintay nating mga kababayan,” ani Poe.

GRACE POE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with