^

Bansa

Produksyon ng bigas sa Pilipinas, palalakasin ng gobyerno ni Lacson

Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Gabay ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na tinatayang nasa 103.25 kilo ng bigas, o katumbas ng higit dalawang kaban ang kinokonsumo ng isang Pilipino kada taon, kailangang mas maging produktibo ang bansa sa pagsasaka at pag-ani nito alang-alang sa seguridad ng pagkain.

Ito ang binigyang-diin ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang pagbisita sa Ampatuan, Maguindanao nitong Huwebes (Mayo 5) kung saan muling natalakay ang usapin tungkol sa bigas na tinututukan nila ni senatorial aspirant Emmanuel ‘Manny’ Piñol.

Batay sa impormasyon ni Piñol na dating kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, aabot sa 14-milyong metriko tonelada ng bigas ang kinokonsumo ng mga Pilipino kada taon, ngunit ang produksyon lamang nito sa bansa ay tinatayang nasa 12-milyong metriko tonelada.

Sinabi ni Lacson na mas magandang tulungan ng pamahalaan ang sarili nating mga magsasaka upang mapataas ang sarili nating produksyon ng bigas at maiwasan na ang pag-aangkat na nagpapahirap sa kanilang hanapbuhay.

Sang-ayon dito si Piñol na muling inirekomenda na gawing P38 hanggang P40 ang bentahan kada kilo ng bigas na swak pa rin sa budget ng karaniwang pamilyang Pilipino nang hindi malulugi ang mga magsasaka maging ang gobyerno.

“Palakasin na lang natin ‘yung ating mga farmer. Bigyan ng suporta, bigyan ng irigasyon, bigyan ng magandang binhi, bigyan ng magandang presyo ‘yung kanilang palay para lalo silang sipagin at mag-stabilize ‘yung presyo (ng bigas),” ayon kay Piñol.

Bukod sa planong pagbili ng 50 porsyentong produkto ng ani ng mga magsasaka at maging ng mga mangingisda sa ilalim ng administrasyong Lacson, sinabi rin ni Piñol na isusulong niya ang suspensyon ng Batas Republika 11203 o ang Rice Tariffication Law.

Sa ilalim kasi ng batas na ito na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, nawala ang limitasyon sa bilang ng mga inaangkat na bigas kapalit ng 35 porsyento ng taripa para rito mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations).

“Kailangan lang maiwasan ‘yung korapsyon, at para maiwasan ang korapsyon, kailangan pumili tayo ng presidente na may record na straightat walang bahid ng korapsyon. ‘Yan ay si Ping Lacson,” buong pagmamala­king sinabi ni Piñol sa mga taga-Maguindanao.

PING LACSON

PSA

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with