Pinoy mula Qatar, ika-3 kaso ng Omicron
MANILA, Philippines — Isang nagbabalik na Fillipino mula sa Qatar ang ikatlong kaso ng Omicron variant ng COVID-19 na natukoy sa bansa.
Kinumpirma ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire at idinagdag na bukod sa Qatar, may travel history din ang pasyente sa Egypt.
Dumating ang 36-taong gulang na lalaking pasyente noong Nobyembre 28 sa Mactan-Cebu International Airport lulan ng Qatar Airways flight QR 924.
Ang kanyang sample ay nakolekta noong Disyembre 4 at nailabas ang resulta nito ng sumunod na araw kung kailan siya positibo sa COVID-19.
Agad siyang isinailalim sa isolation sa Cebu at muling isinailalim sa RT-PCR test kung saan negatibo na ang kaniyang resulta nitong Disyembre 19.
“He completed his isolation in Cebu before traveling back to Cavite, his hometown, and immediately underwent home quarantine,” ayon kay Vergeire.
Sa ngayon ay natapos na rin ng pasyente ang kaniyang home quarantine. Nananatiling asymptomatic umano ang biktima simula nang dumating siya sa bansa.
Patuloy naman ang pamahalaan sa ginagawang contact tracing upang maisailalim din sila sa isolation at RT-PCR test para makatiyak na hindi na kakalat ang Omicron variant.
- Latest