^

Bansa

'Matapos ang 35 taon': 3 ex-military guilty sa double murder vs KMU labor leader, driver

James Relativo - Philstar.com
'Matapos ang 35 taon': 3 ex-military guilty sa double murder vs KMU labor leader, driver
Makikita sa litratong ito ang pinaslang na dating chairperson ng Kilusang Mayo Uno na si Rolando "Ka Lando" Olalia (kaliwa). Kita sa larawan sa kanan ang mga nananawagan para sa katarungan sa kanyang pagkamatay.
Litrato mula sa https://www.bantayog.org/; Released/Kilusang Mayo Uno

MANILA, Philippines — Nakatikim din kaonting hustisiya ang mga naulila ng kilalang lider manggagawa't kanyang driver matapos ang sinapit na karumaldumal na torture at pagpatay na naganap halos apat na dekada na ang nakalilipas.

Tatlong kataong iniuugnay sa Reform the AFP Movement (RAM) ang napatunayang nagkasala sa pagpatay kina dating Kilusang Mayo Uno (KMU) chair Rolando "Ka Lando" Olalia at drayber niyang si Leonor Alay-ay, ayon sa hatol ng Antipolo Regional Trial Court Branch 97 na inilabas, Martes.

Napatunayang "guilty beyond reasonable doubt" ang sumusunod para sa pagpatay kina Olalia at Alay-ay, bagay na pinarurusahan sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code:

  • Desiderio Perez
  • Dennis Jabatan
  • Fernando Casanova

Pagkakakulong na hanggang 40 taon ang ipapataw sa kanilang tatlo sa magkahiwalay ngunit sabay na kaso ng pagpatay, dahilan para maging double murder ito. "[The Court] hereby sentences them to suffer reclusion perpetua without eligibility for parole under the R.A. 9346. They are further ORDERED to PAY the heirs."

Narito ang mga danyos na kailangang bayaran ng tatlo sa mga naulila ni Olalia:

  • P500,000 bilang civil indemnity
  • P300,000 bilang moral damages
  • P200,000 bilang exemplary damages
  • P200,000 bilang temperate damages

Narito ang mga danyos na kailangang bayaran ng tatlo sa mga naulila ni Alay-ay:

  • P200,000 bilang civil indemnity
  • P300,000 bilang moral damages
  • P200,000 bilang exemplary damages
  • P200,000 bilang temperate damages

"All monetary awards shall earn interes at the legal rate ofg six percent (6%) per annum from the date of finality of this Decision until fully paid," wika pa ng hatol na pinetsahang ika-24 ng Setyembre, 2021.

"Noting that the other accused in these cases remain at large, send these cases to archives, subject to reactivation upon the apprehension of the other accused."

Ang RAM, na naging Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa noong dekada '90, ay mga miyembro ng militar na naging instrumental sa pagpapatalsik sa diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Gayunpaman, naglunsad sila ng coup d'état laban sa sumunod na administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

 

 

13 akusado pero tatlo lang convicted?

Ayon kay Atty. Rolando Rico Olalia, anak ni Ka Lando, 13 talaga ang akusado sa pagkamay ng kanyang ama at ni Alay-Ay.

Hindi kasama ang sumusunod sa mga nahatulan:

  • Cirilio Almario
  • Jose Bacera
  • Ricardo Dicon
  • Gilbert Galicia
  • Oscar Legaspi
  • Felimeno Maligaya
  • Gene Paris
  • Freddie Sumagaysay
  • Edfer Sumido

"The whereabouts of 9 of the 13 accused are still unknown today, leaving only Fernando Casanova, Dennis Jabatan and Desiderio Perez to be pronounced guilty by the trial court," wika ng nakababatang Olalia.

"The 13th person implicated in the murder of Ka Lando and Leonor, former COL. EDUARDO E. KAPUNAN, JR., who was positively identified by the prosecution’s witnesses as deeply involved in the crime, is now the Philippine Ambassador to Germany. He continues to maintain his innocence."

Sa kabila nito, ipinaabot ng kanilang pamilya ang pasasalamat sa Public Interest Law Center, National Union of People’s Lawyers, KMU, Bagong Alyansang Makabayan atbp.

"Today is a day of celebration and of restored belief in our judicial system.  It is also a day of loss and a day of remembrance in honor of two brave and honorable men we were privileged to know as father and as a friend," dagdag pa ng nakababatang Olalia.

Buod ng krimen

Ayon sa website ng Bantayog ng mga Bayani, ika-12 ng Nobyembre, 1986 nang pumunta sa pulong ng unyon sina Ka Lando at Alay-Ay, halos walong buwan matapos mapatalsik si Marcos. Hindi na sila umuwi matapos noon.

"The following day, their bodies were found along a roadside in suburban Metro Manila, hogtied, mouths stuffed with newspaper, and heads bearing gunshot wounds. The bodies were mutilated and hardly recognizable," ayon sa account ng Bantayog.

Matinding galit at pagluluksa ang idinulot ng kambal na pagpaslang, dahilan para bumuhos ang 25,000 katao sa tapat ng Camp Aguinaldo, Quezon City bilang protesta. Halos isang milyon ang nakiramay sa 12-oras na funeral march.

"For 35 years, we have sought and fought for justice to our slain comrades - well-loved and well-achieved unionists and labor leaders who stood with the workers and the people until the end," ayon sa statement na inilabas ng KMU national office at National Federation of Labor Unions - KMU kanina.

"While we rejoice in this ruling, we point out the current similarly bleak situation of trade union and human rights in the country. 56 of our fellow workers and unionists have been victims of extrajudicial killings over the past five years under Duterte."

Inaantay pa naman daw ng KMU na malitis din ang mga utak sa pagpaslang. Maibibigay lang daw talaga ang katarungan oras na mapangalanan sila at mahatulan.

Umaasa naman ang pederasyon ng mga manggagawa na magawaran din ng paborableng desisyon ang mga kaso ng iba pang pinatay na manggagawa sa ilalim ng administrasyon na sina Manny Asuncion, Dandy Miguel. Nawa'y hindi na raw umabot pa ng dagdag 35 taon para rito.

Sino si Ka Lando Olalia?

Anak ng labor leader na si Felixberto Olalia Sr., kilalang abogado si Ka Lando na siyang sumali noon sa bagong tayong NAFLU taong 1958. Dahil sa kahirapan, nagpalipat-lipat siya ng trabaho sa murang edad hanggang mag-20-anyos.

Naaresto siya taong 1962 dahil sa pangunguna sa isang welga sa Delta Manufacturing sa Lungsod ng Pasig.

Habang nasa kolehiyo, sumapi siya sa militanteng Kabataang Makabayan at tumulong sa pagtatayo ng mga balangay nito as iba't ibang paaralan sa Maynila. Tinulungan din niya ang kanyang tatay sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa ilalim ng Malayang Samahan ng mga Magsasaka (MASAKA).

 

 

Pumasa siya sa bar exams noong 1971 at nakakuha ng mataas na grado rito. Matapos nito, nag-practice siya bilang abogado at naging miyembro ng Integrated Bar of the Philippines at Philippine Trial Lawyers Association.

Tatlong buwang nakulong si Olalia noong ideklara ni Marcos ang Martial Law para sa kasong "subversion." Taong 1982 nang arestuhin siya uli kasama ang amang si Ka Bert dahil sa kasong "inciting to rebellion" at "conspiracy to commit rebellion."

"Nakibaka si Ka Lando para sa malaya, mapayapa, at demokratikong Pilipinas. Bilang unyonista, paniniwala niyang makabuluhan ang papel ng mga manggagawa sa pagpapalaya ng lipunan," ayon sa labor center na dating pinamunuan ni Olalia.

vuukle comment

KILUSANG MAYO UNO

LABOR RIGHTS

MURDER

REFORM THE ARMED FORCES MOVEMENT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with