Nasawi sa COVID-19 sa Pilipinas umakyat na sa 37,228
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 15,592 bagong infection ng coronavirus disease, Miyerkules, kung kaya't nasa 2,417,419 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 2,417,419
- nagpapagaling pa: 162,580, o 6.7% ng total infections
- bagong recover: 24,059, dahilan para maging 2,217,611 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 154, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 37,228
'Mas kaonti namamatay kahit trumiple mga kaso'
-
Ipinagmalaki ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pagliit ng case fatality rate ng Pilipinas pagdating sa COVID-19 kahit na lumobo ng tatlong beses ang tinatamaan ng virus. Aniya, malaki ang naiambag dito ng vaccinations ng Pilipinas.
-
Umabot naman na sa 19.02 milyong katao ang nakakukuha ng kumpletong dose ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas, matapos makapagturok ng 42.13 milyong bakuna ang bansa, as of September 21, 2021.
-
Kanina lang nang banatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mayayamang bansa sa pagho-hoard ng COVID-19 vaccines ngayong napag-uusapan ang pamimigay ng mga nauna ng "booster" (ikatlong) turok. Ito'y kahit nagtiyatiyaga sa "half-doses" ang mga mahihirap na bansa, wika niya sa ika-76 sesyon ng United Nations General Assembly.
-
Kinumpirma naman na ng World Health Organization na labis nang mas "dominante" ang tinatamaan ng mas nakahahawang COVID-19 Delta variant sa mundo pagdating sa lahat ng mga "more transmissible" variants of concern.
-
Umabot na sa 228.8 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng WHO. Sa bilang na 'yan, patay na ang 4.69 milyong katao.
— James Relativo
- Latest