'Congrats na lang': Palasyo itinangging idinawit si Hidilyn Diaz sa ouster matrix noon, kahit totoo naman

MANILA, Philippines (Updated 6:23 p.m.) — Imbis na humingi ng tawad, itinanggi pa ng Malacañang na naglabas sila ng "matrix" na nagdadawit sa isang atletang Pinay sa pagpapabagsak ng gobyerno ngayong nanalo ang nabanggit sa Olympics.

Mayo 2019 nang maglabas ng listahan si dating presidential spokesperson Salvador Panelo patungkol sa mga nais daw mag-destabilisa sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte — kasama na rito ang 2021 Tokyo Olympics gold medalist na si Hidilyn Diaz. Si Panelo ay chief presidential legal counsel din.

"Hindi ko po alam kung ano 'yung sinasabi niyong matrix kasi sa tanggapan ko po, iisa lang ang opisyal na spokesperson ng gobyerno. Ako lang po 'yun," ani presidential spokesperson Harry Roque, Martes.

"Wala po kaming ganyan."

Si Roque ang pumalit kay Panelo bilang tagapagsalita ni Duterte. Itanggi man niya na inilabas ito ng Malacañang noon, mapasisinungalingan 'yan ng diagram na kanilang inilabas na iniulat din noon sa Philstar.com.

Wala ring balak na humingi ng tawad ang Palasyo sa kanilang "wow mali" moment noong 2019. "Wala po. As spokesperson, wala po akong kahit anong ibinintang kay Hidilyn Diaz," ani Roque kanina.

Advertising
Scroll to continue

Diaz sa paratang

Una nang pinagtawanan ni Diaz ang mga paratang. Ang pangalan kasi ng weightlifting queen, kasama sa diagram ng Palasyo na ikinakabit kay Rodel Jayme, taong nagpakalat daw ng "Ang Totoong Narcolist" na nag-uugnay sa Duterte family sa illegal drug trade.

"Hah? Ano yun? Sino si Rodel Jayme?" ani Hidilyn sa isang panayam sa ABS-CBN noon. Idinawit din noon sa naturang matrix ang journalist na si Gretchen Ho maliban sa iba pang mga progresibong personalidad at grupo.

Wala ring pinatunguhan ang diagram na inilabas ni Panelo, at ipinaliwanag noon na ibinigay lang ito sa kanya ng Office of the President.

Panelo nakuha pa mag-congrats

Bagama't isa si Panelo sa mga nagdiin kay Diaz bilang isa sa mga nais tumulong diumano sa pagpapabagsak sa gobyerno, nakuha pa niyang i-congratulate ang atleta sa kanyang pagkakapanalo kahapon sa women's 55kg category ng weightlifting.

"Her feat makes us Filipinos proud. Her getting the gold is a testament to the Filipino race's talent and indefatigable spirit," wika ni Panelo, na presidential legal counsel na din ni Digong.

"It serves as an inspiration to all Filipino athletes that getting gold in the Olympics is no longer a cream but a reality. Congratulations, Hidilyn Diaz!!!"

Todo congrats din si Roque kanina, habang idinidiin na magbibigay ng milyun-milyong pabuya si Duterte kay Diaz maliban pa sa P35.5 milyon mula sa gobyerno at pribadong sektor.

"Iguguhit po natin sa kasaysayan ng Pilipinas ang pangalan ng Hidilyn Diaz, at ayaw ko munang ianunsyo dahil baka mapalaki pa [ang pabuya], pero milyun-milyon po ang ipinangako ng presidente para sa makakakamit ng gintong medalya, at ang pribadong sektor ay naglaan din ng milyun-milyon," dagdag pa niya.

"Kung anuman ang pagkukulang sa training, I'm sure na mababawi po lahat 'yan doon sa generosity, hindi lang po ng pamahalaan kung hindi ng pribadong sektor, because she truly did us proud."  

Panelo: 'Matrix' 'wag gamitin sa pamumulitika, panghahati

Matapos mapuna sa social media dahil sa naturang matrix, nanggalaiti naman si Panelo at sinabing dapat hayaang magbunyi ang lahat — kahit ang mga tagasuporta ng administrasyon. Aniya, binawi rin naman niya ang paratang kinalaunan.

"These selfish people, claiming that it is only them who have the right to celebrate our country's victory, say that supporters of the government should disassociate themselves from the feat even as they stooped so low by creating a social media card which falsely attributed remarks against Ms. Diaz to me," banggit niya

"In fact, when reporters noted the name of Ms. Diaz in the matrix two years ago and hastily concluded that the government is declaring her to be part of an ouster plot against the president, I immediately issued a statement averring otherwise."

Hindi naman agad naipaliwanag ni Panelo ang pagkakasama ni Diaz at ng reporter na si Gretchen Ho sa 'matrix' nung ipinresenta niya ito noong 2019. Inilabas ni Panelo ang 'matrix' sa isang Palace briefing noong May 8, 2019.

Ang paglilinaw niya na hindi kasali si Diaz at Ho sa sinasabing ouster plot ay inilabas noong May 10, 2019.

Inilinaw din niyang wala siyang sinabing hindi entitled sa mga gamot si Diaz dahil sa siya'y sports medalist. Naidagdag din daw noon si Hidilyn sa inilabas niyang diagram dahil fina-follow siya sa social media ni Jayme na iniuugnay sa pag-uupload ng "Ang Totoong Narco List" video.

Mainam din daw na 'wag ilayo kay Hidilyn ang limelight sa pamamagitan ng pamumulitika kung sino ang dapat o hindi magbunyi sa naturang pagkapanalo. — may mga ulat mula sa News5

Show comments