_ngayon
^

Bansa

SONA 'signal jamming' posible umapekto sa internet ng mga work-from-home

James Relativo - Philstar.com
SONA 'signal jamming' posible umapekto sa internet ng mga work-from-home
Kuha ng isang babae habang nagtratrabaho sa bahay kaharap ang laptop.
Free-Photos via Pixabay

MANILA, Philippines — Bilang pag-iingat laban sa mga hindi inaasahang kaguluhan sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, posibleng putulin ang signal ng mga mobile devices gaya ng cellphones mamaya sa Quezon City.

Oras na ikasa ito, mapuputulan ng internet connection ang ilang nagtratrabaho mula bahay sa QC na nakaasa sa mobile data at "pocket wifi" — bagay na inaasahan nang marami habang COVID-19 pandemic.

"Unang-una, 'yan naman ay saglit lamang. 'Yan naman ay isang option na pwedeng gawin ng ating kapulisan, particularly ng ating [National Capital Region Police Office]," ani PNP chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar, Lunes sa panayam ng GMA News.

"Ginagawa naman 'yan sa mga nakaraang panahon, at 'yan naman ay hindi bago... [I]sa sa mga options 'yan na maaaring gawin. Hindi natin sinasabi na talagang gagawin 'yan, pero 'yan ay isa sa mga options. [Maghanda na ang maaapektuhan.]"

Karaniwang isinasagawa ang signal jamming sa Pilipinas tuwing may mga malalaking pagtitipon, lalo na't maaaring gamitin ang cellphones sa pagde-detonate ng mga bomba at improvised explosive devices (IED).

Aabot sa 15,000 kawani ng Philippine National Police (PNP) ang itinalaga ni Eleazar para tiyakin ang kaligtasan ng ikaanim at huling SONA ni Duterte ngayong araw.

Marso 2020 nang i-engganyo ni Digong ang mga kumpanya na magpatupad ng "flexible working arrangements" gaya ng pagtratrabaho mula sa bahay upang maiwasan ang hawaaan ng nakamamatay na COVID-19.

Gagawin sa pagdarausan ng protesa

Bagama't ayaw pang kumpirmahin ni Eleazar kung gagawin talaga ito o hindi, tiniyak naman niyang saglit lang ito kung gagawin dahil limitado lang ang oras na ibibigay sa mga militanteng grupo na magkakasa ng kilos-protesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kasabay ng SONA ni Duterte.

Libu-libo ang dumadalo taun-taon sa mga nasabing SONA protests sa buong Pilipinas bilang paghahayag ng mga kritiko patungkol sa mga kabiguan at bigong pangako ng administrasyon.

"'Yan naman ay saglit lamang kung sakali dahil ang napag-usapan naman ay 'yung kanilang activities is gagawin around hanggang [9:30 a.m.] hanggang mga 11 o sabihin nating hanggang alas dose doon sa [lugar na] napag-usapan base na rin doon sa dialogue na isinagawa ng city government, kasama na rin ng QCPD pati na rin itong leaders ng mga grupong lalahok dito sa kanilang mga activities," dagdag ni Eleazar.

Batay na rin sa protest permit na iginawad ng QC local government unit, papayagan ang mga protesta sa:

  • Unibersidad ng Pilipinas-Diliman
  • Commission on Human Rights
  • National Housing Authority

Papayagan lang okupahin ang ilang lanes sa Northbound lane ng Commonwealth Ave. para makadaan pa rin ang mga sasakyan. Hindi sila maaaring lumampas sa St. Peter's Chapel at hindi papayagang tumulak sa Batasang Pambansa, kung saan isasagawa ang SONA address ni Duterte.

Mapipilitan daw ang PNP na i-disperse ang mga militante kung tatangkaing hindi sumunod sa napagkasunduan, bagay na hindi na raw sana mangyari ani Eleazar dahil taun-taon naman daw sumusunod ang mga nagproprotesta.

Una nang sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr. na ipatutupad nila ang sumusunod na protocols para maiwasan ang hawaan:

  • mas maiksing programa
  • pagre-require ng face masks at disinfectants
  • pamimigay ng face masks at iba pang materyales sa mga lalahok

Ipinapayo naman ngayon ng PNP na pagbawalan ang mga menor de edad at senior citizens na lumahok ng protesta lalo na't bulnerable sila sa COVID-19. Hangga't maaari, magandang fully-vaccinated daw ang mga lalahok.

Gun ban hanggang Miyerkules

Hindi lang signal jamming ang nasa plano ng gobyerno para tiyakin ang SONA ni Duterte ngayong araw.

"In fact, itong linggong ngang ito hanggang sa 28 ay meron tayong suspension ng permit ng pagdadala ng mga baril sa labas. Ang ibig sabihin, gun ban tayo sa Metro Manila," dagdag ni Eleazar kanina.

"Ito naman ay ginagawa natin para masigurong magiging maayos ang lahat ng mga magiging activities na gagawin during SONA."

NOVEL CORONAVIRUS PHILIPPINE NATIONAL POLICE SONA 2021 WORK FROM HOME
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with