_ngayon
^
Malacañang: Segregasyon ng bakunado inaaral pa, 'di muna sa lugar ng trabaho
A health worker (L) prepares a vial of Chinese Sinovac vaccine against Covid-19 coronavirus inside a movie theatre turned into a vaccination centre in Taguig City suburban Manila on June 14, 2021.
AFP/Ted Aljibe

Malacañang: Segregasyon ng bakunado inaaral pa, 'di muna sa lugar ng trabaho

James Relativo (Philstar.com) - June 21, 2021 - 2:52pm

MANILA, Philippines — Tinitignan ngayon ng Palasyo ang posibilidad ng paghihiwalay ng mga may proteksyon na laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa mga wala pa sa mga lugar ng mga trabaho habang gumugulong ang immunization effort laban sa pandemya.

Itinutulak kasi ngayon ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang paglikha ng hiwalay na "safe spaces" para sa mga naturukan na ng COVID-19 vaccines at yaong hindi pa para maprotektahan sila habang nagbubukas ang ekonomiya.

"Pag-aaralan po natin 'yan, at dahil all suggestions naman ay dapat pinag-aaralan," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque sa isang press briefing ngayong Lunes.

"Pero sa tingin ko ngayon, dahil 8 million mahigit-kumulang pa lang ang ating nabakunahan, ay hindi pa ito 'yung panahon para gawin 'yan. Pero pag-aaralan po 'yan lalong-lalo na't dumarami ang hanay ng mga nabakunahan na."

Una nang sinabi ni Concepcion sa panayam ng ONE News na hindi nila layuning magpasimuno ng diskriminasyon sa mga establisyamento sa pagpapatupad ng magkahiwalay na safe spaces.

Paghihiwalay? Para saan ba 'yan?

Aniya, isa raw kasi ito sa binabalangkas nilang "exit strategy" kasama ang OCTA Research Group at Dr. Edsel Salvana para makaalpas sa COVID-19. 

"The idea is to protect both sides... So how do you protect those vaccinated from getting infected from those not vaccinated and vice versa? The vaccinated people, there is a smaller chance of getting infected, but how do you protect now the non-vaccinated from these people?" sabi ni Concepcion.

"The proposal is to put safe places for them. We've seen it in other countries. We're not reinventing anything. In the arenas, like what is happening in the NBA games, they put a section for the vaccinated and a section for the non-vaccinated."

Nire-request din ngayon ng Restaurant.ph kung pwedeng madagdagan ng 20% ang maximum capacity sa kanilang mga kainan kung mapatutunayan ng mga paryokyanong fully-vaccinated na sila laban sa COVID-19.

Sa ngayon kasi, 30% lang ang pinapayagan sa mga restawran, maliban na lang kung makakukuha sila ng "safety seal" na magpapahintulot sa kanilang magdagdag ng 10%.

Umabot na 8.22 milyon ang total COVID-19 doses na naituturok sa Pilipinas, ayon sa huling datos ng gobyerno nitong ika-19 ng Hunyo. Sa bilang na 'yan, 2.12 milyon na ang nakakukumpleto ng dalawang doses ng bakuna.

Sa huling ulat ng Department of Health nitong Linggo, umabot na sa 1,359,015 ang tinatamaan ng naturang karamdaman sa Pilipinas. Patay naman na ang 23,621 sa kanila.

COVID-19 VACCINES DEPARTMENT OF HEALTH HARRY ROQUE JOEY CONCEPCION NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with