P150- milyong ‘di rehistradong face masks at face shields, nakumpiska ng BOC

MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang may P150 milyong halaga ng mga hindi rehistradong personal protective equipment (PPE), gayundin ng mga pekeng luxury clothing, beauty products, at mga laruan, sa isang operasyon na bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at counterfeiting.

Mismong si Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), ang nanguna sa operasyong isinagawa sa isang storage facility sa Binondo, Manila nitong Miyerkoles.

“In our initial inspection, we found boxes of cosmetic and beauty products, unregistered Aidelai face masks, Heng De face shields, clothing, toys, cellphone cases, and many others,” ulat ni Enciso.

Binigyang-diin naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, na siyang lumagda sa Letter of Authority (LOA) para sa operasyon, ang kahalagahan ng pagtiyak na tanging mga authentic personal protective equipment (PPE) items lamang ang ipinagbibili at ipinamamahagi sa merkado.

Sinabi ni Guerrero na mahalagang mapalakas at paigtingin pa ang kanilang kampanya at mga pamamaraan upang matigil ang operasyon ng mga ito, bunsod na rin nang pagbubukas nang muli ng ekonomiya ng bansa.

Show comments