COVID-19 deaths sa Pilipinas sumipa sa 15,738 habang global cases nasa 137.9-M
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 10,726 bagong infection ng coronavirus disease Biyernes, kung kaya nasa 914,971 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 914,971
- nagpapagaling pa: 193,976, o 21.1% ng total infections
- bagong recover: 650, dahilan para maging 705,757 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 145, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 15,738
Anong bago ngayong araw?
-
Ngayong araw ang pinakamalaking bilang ng active COVID-19 cases sa kasaysayan ng Pilipinas (193,976). Nalagpasan na nito ang all-time high na 190,245 noong Sabado.
-
Pormal nang inaprubahan ang listahan ng "Priority Group A4" na susunod na matuturukan ng COVID-19. Kasama rito ang mga overseas Filipino workers, nagtratrabaho sa mga palengke, grocery, media atbp. mga sektor na maraming nakakasalamuha at hindi maaaring mawala kahit pandemya.
-
Samantala, sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kanina na naghahanap pa ng "sapat na ebidensya" para malaman kung kailangan pa talaga ng ikatlong dose ng Pfizer COVID-19 vaccine para manatili itong epektibo sa loob ng 12 buwan. Ito kasi ang ibinahagi ng CEO ng kumpanya nitong Huwebes.
-
Kinumpirma naman ng Food and Drug Administration na isa pang pribadong ospital ang nabigyan ng espesyal na permit para magamit ang kontrobersyal na "Ivermectin" para sa mga tinatamaan ng COVID-19. Wala pang rehistro laban sa virus ang nasabing anti-parasitic.
-
Pumalo naman na sa 2.04% ng kabuuang bilang ng naturukan ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas ang nakaranas ng negatibong "side-effects." Sa bilang na 'yan, tanging 0.03% ang "seryosong" adverse event.
-
Umaabot na sa halos 137.9 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, mahigit-kumulang 3 milyon na ang patay.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest