_ngayon
^
VIP hospitalization?: Roque nanggalaiiti nang kwestyonin COVID-19 confinement
Makikitang pumapasok sa gawa-gawang COVID-19 tent ang lalaking ito sa labas ng isang ospital sa Maynila bunsod ng mga punuang pagamutan dahil sa pagsipa ng mga tinatamaan ng virus, ika-6 ng Abril, 2021
AFP/Jam Sta. Rosa

VIP hospitalization?: Roque nanggalaiiti nang kwestyonin COVID-19 confinement

James Relativo (Philstar.com) - April 12, 2021 - 2:55pm

MANILA, Philippines — Hindi ikinatuwa ni presidential spokesperson Harry Roque ang natatanggap na bira sa kanyang pagpapaospital dahil sa coronavirus disease (COVID-19), bagay na iniuugnay ng ilang sektor sa "special treatment" ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Naka-admit ngayon sa Philippine General Hospital (PGH) si Roque dahil sa COVID-19 kahit kayang magtrabaho't humarap sa media briefing ngayong araw. Ito'y kahit marami pa ring nakapila't hindi naa-admit sa mga siksikang ospital sa kasalukuyan.

Ikalawang beses na niyang tinamaan ng naturang sakit.

"That's an un-Christian question," sagot ng presidential spokesperson sa isang kawani ng media, Lunes, nang matanong kung paano siya nakakuha ng COVID-19 bed sa PGH habang maraming tinatanggihan sa mga pagamutan.

"Ang aking assurance lang, sa administrasyon po ni Presidente Duterte, lahat ng mga merong pangangailangang medikal eh mabibigyan po ng tulong. At 'yan na rin naman po ay dahil din doon sa ating isinulong na Universal Healthcare noong 17th Congress."

Ilang araw nang inuulat ng media ang mga COVID-19 patients na namamatay na lang habang nag-aantay na makakuha ng bakanteng kama sa mga ospital. Nangyayari ito habang tinatanggal sa mga ospital ang COVID-19 patients na "mild" at "asymptomatic" lamang dahil sa napupuno na.

Linggo nang tanungin ng Philstar.com ang direktor ng PGH kung iba ang kanilang protocols sa pag-a-admit ng mga opisyal ng gobyerno ngunit hindi pa tumutugon sa ngayon.

Kasalukuyang 86% utilized ang COVID-19 intensive care unit (ICU) beds sa Metro Manila habang 69% naman ito para sa isolation beds, ayon sa huling taya ng Department of Health (DOH) nitong Linggo.

'Low oxygen kaya nasa ospital'

Sa kabila ng mga batikos, ipinaliwanag ni Roque na kinakailan niyang dalhin sa PGH matapos lumala ang kanyang kondisyon, primarya dahil sa lebel ng oxygen sa katawan. Ayaw naman niyang sabihin kung "mild" o "moderate" ang kanyang sintomas.

"I started my isolation at home but my oxygen level fell to 90," wika ni Roque.

Una nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat na lang ilagay sa mga hotel quarantine facilities ang mga "mild" at "asymptomatic" cases ng COVID-19 alinsunod na rin sa DOH Memorandum 2020-0439.

"Asymptomatic confirmed and mild cases shall be admitted and isolated in Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs). Moderate cases shall be isolated and managed in Level 1 or Level 2 hospitals. Severe and critical cases shall be isolated and managed in Level 2 or Level 3 hospitals."

VIP hospitalization?

Kinastigo tuloy ng Kabataan party-list ang diumano'y "pag-una" kay Roque habang hirap na hirap naman daw makakuha ng kama ang mga karaniwang Pilipino.

Paratang nila, tila "binabraso" raw ni Duterte ang mga ospital upang gawing prayoridad ang ilang "VIP" (very important people) sa gitna ng pandemya.

"Nakakapanghinala din na nakapasok pa sa Philippine General Hospital si Harry Roque samantalang 100% na ang paggamit ng ICU nito, ang COVID-19 bed capacity nito ay nasa 90% na, at marami pa ang nakapila para makapasok," ayon sa Kabataan party-list ngayong araw.

"Ang dapat na isaalang-alang ng mga 'VIP' na ito ay ang kapakanan ng mamamayan at hindi ang pagsalba sa kanilang mga sarili. Dagdag pa, hindi tayo aabot sa ganitong sitwasyon kung nagkaroon lamang ng siyentipiko at komprehensibong plano at aksyon ang gobyerno simula pa noong nakaraang taon para pigilan ang pagkalat ng Coronavirus."

Sa huling taya ng DOH kahapon, umabot na sa 864,868 ang tinatamaan ng COVID-19. Sa bilang na 'yan, 14,945 na ang patay. — may mga ulat mula kay Christian Deiparine

HARRY ROQUE NOVEL CORONAVIRUS PHILIPPINE GENERAL HOSPITAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with