9,216 bagong COVID-19 patients itinaas mga lokal na kaso sa 828,366
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 9,216 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Huwebes, kung kaya nasa 828,366 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 828,366
- nagpapagaling pa: 167,279, o 20.2% ng total infections
- bagong recover: 598, dahilan para maging 646,968 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 60, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 14,119
Anong bago ngayong araw?
-
Ngayong araw ang pinakamataas na bilang ng active COVID-19 cases sa kasaysayan ng Pilipinas sa bilang na 167,279. Nahigitan na nito ang record noong ika-3 ng Abril (165,715).
-
Ipinatitigil muna ng DOH at Food and Drug Administration (FDA) ang pagbibigay ng AstraZeneca COVID-19 vaccines sa mga wala pang 60-anyos, matapos mapatunayan ng European Medicine Agency (EMA) na nagsasanhi ito ng "blood clotting" sa ilang tinututurukan.
-
Samantala, kinumpirma naman ni FDA director general Eric Domingo na papayagan nila ang pagpapagamit ng gamot na Ivermectin laban sa COVID-19 para sa iilang maiisyuhan nila ng "compassionate special permit," gaya na lang ng isang ospital na ayaw pang tukuyin. Una nang sinabi ng Merck, manufacturer ng gamot, na "walang scientific basis" laban sa COVID-19 ang paggamit ng Ivermectin.
-
Inilinaw naman kanina ng DOH na hindi obligadong magsuot ng face shield sa ibabaw ng face mask ang mga nagbibisikleta at nakasakay sa "active transport" bilang proteksyon sa COVID-19. Aniya, takaw disgrasya raw kasi ito sa kalsada lalo na kapag nagkaroon ng "vision impairment." Hindi rin daw ito kailangan kung nakapapagod ang ginagawang aktibidad gaya ng pagpapadyak sa bike.
-
Kinumpirma naman ng gobyerno na umabot na sa 700 senior citizen healthcare workers na ang natuturukan ng CoronaVac vaccine ng Sinovac sa bansa, isang araw matapos itong sabay na irekomenda ng DOH at FDA. Una nang sinabi ni FDA chief Eric Domingo na hindi nila ito inirerekomenda sa healthcare workers at 60-anyos pataas dahil sa isyu ng mas "mababang bisa" sa kanilang sektor.
-
Nananawagan naman ngayon ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga kumpanya ng media na protektahan ang kanilang mga mamamahayag matapos mamatay sa COVID-19 ng dawalang cameraman sa industriya. "Although media workers are considered essential workers during the quarantine, the lack of support and assistance for them suggests they are not seen as that important after all," sabi ng grupo.
-
Umaabot na sa halos 132.04 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, halos 2.9 milyon na ang patay.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest