^

Bansa

Pandemya man, PSN laging nandyan kaya number 1

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Tumigil ang mundo ng mga Pinoy partikular na ang mga mambabasa ng pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN) sa matinding epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19 lalo na nang magpatupad ng lockdown ang gobyerno noong Marso 17, 2020.

Ang  PSN, dating Ang Pilipino Ngayon (APN) na itinatag ni Ma’am Betty Go Bel­monte ay sinubok na ng panahon simula ng mailimbag ito ilang buwan matapos ang  makasaysayang EDSA People’s Power Revolution noong 1986 kung saan nagpatuloy ang diyaryong ito sa hamon ng panahon sa dusa, lumbay at maging sa sa­ya’t  galak  ng mga Pinoy.

Ang COVID-19 na gumimbal sa buong mundo ay maituturing na pinakamatinding hamon na kinakaharap ng bansa kung saan maraming mga manggagawa ang nawalan ng trabaho at mga nagsipagsarang negosyo. Sa kabila nito, hindi sumuko ang PSN na nagpatuloy sa pagbibigay ng impormasyon sa masang Pinoy.

Sa lockdown, ma­rami ang pinadapa ng pandemya na naging matinding hamon sa pahayagang ito pero sa kabila nito ay nanatiling pursigido o determinado na makapaghatid ng sariwang mga balita sa mga masusugid nitong tagasubaybay sa bawat sulok ng bansa sa ma­tapang na pamamaraan na hindi ina­lintana ang virus sa pagbibigay ng serbisyo sa tungkuling maghatid ng mga  kaganapan sa araw-araw.

Matapos ang kumpirmasyon ng mga health expert sa positibong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay mabilis itong kumalat at dahilan sa tumataas kung kaya tuluyan itong isinailalim sa lockdown.

Naging napaka­tindi ng pagsubok, dahilan noong unang mga buwan ay walang mabiling face mask, face shield sa pagsisimula ng lock­down, pila balde sa mga grocery matapos na magpanic buying ang mga tao, mga pang­ya­yaring bumandera sa pahayagang ito na patuloy sa pakikibaka at naging  karamay lalo na ng masang Pinoy na ang pagbabasa ng mga balita ang liba­ngan.

Samantalang wala ring masakyan matapos ipagbawal ang pagbiyahe ng mga pampublikong behikulo, kaliwa’t kanan ang checkpoint at isa lamang sa bawat pa­milya ang maaaring lumabas ng bahay na may quarantine pass upang hindi magkahawaan sa COVID-19.

Sarado ang mga mall, parlor, restaurant at ang tanging bukas lamang ay ang mga supermarket, grocery at drug store. Ang mga tao ay naglalakad ng kung ilang kilometro, ang kanilang mga karanasan ay naibandera sa pahayagang ito at ilan pa ang nakunan na nalathala ang mga litrato.

Samantalang dumami rin ang bilang ng mga Pinoy na nagugutom na nakapila sa ayuda ng gobyerno na tig-P8,000 sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) fund na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang nasabing ayuda ay pinondohan sa ilalim ng Republic Act(RA) 11469 o Bayanihan to Heal As One Act o Bayanihan 1 na  isinulong­ sa Kongreso at pinagtibay bilang batas matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Samantalang sinundan naman ito ng RA 11494  o ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.

Nasa P82.5 bilyon ang inilaan ng gobyerno sa pagtugon sa CO­VID-19 kung saan P 2.5 bilyon ay nasa ilalim ng pondo ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng 2021 Gene­ral Appropriations Act (GAA) habang P10 bil­yon naman ng nasa­bing pondo ang alokas­yon sa COVID-19 vaccination program sa ilalim ng Bayanihan 2.

Sa kabila ng pan­demya, nanatiling committed ang PSN sa pagbibigay-serbisyo sa pamamagitan ng paghahatid ng samu’t saring kaganapan sa Pilipinas sa panahon ng pinakamatinding krisis sa kalusugan na kinaharap ng bansa.

Nakakataba ng puso na sa kabila ng matin­ding hirap ng mga Pinoy ay patuloy ang ma­yorya ng masugid na mam­babasa sa pagtangkilik sa pahayagang ito na kanilang binabasa kasabay ng paghigop ng mainit na kape at pagkain ng pandesal sa agahan.

 Samantalang nga­yong may COVID-19 vaccine na at nagsimula na ang rollout nito ay kaakibat ng mga Pinoy at ng mga bumubuo sa pahayagang ito na taglay ang pag-asa gayundin ang pangako ng bukas na malalagpasan ang pagsubok ng pandemya upang makaahon na ang ekonomiya na bumalik na sa normal ang buhay. 

 

PILIPINO STAR NGAYON

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with