^

Bansa

4-M Pinoy waley trabaho, negosyo ngayong Enero 2021 — PSA

James Relativo - Philstar.com
4-M Pinoy waley trabaho, negosyo ngayong Enero 2021 â PSA
Sumusunod sa social distancing ang mga mananakay na ito sa muling pagbubukas ng LRT Line-2 Santolan station, ika-22 ng Enero, 2021
The STAR/Miguel Antonio N. De Guzman, File

'Hindi pa po kasama sa mga option ang pamimigay ng ayuda' — Palasyo

MANILA, Philippines (Updated 2:01 p.m.) — Bagama't tumaas ang bilang ng mga walang trabaho noong unang buwan ng taon, hindi nagbago ang porsyento nito kung ikukumpara sa mga datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) limang buwan na ang nakalilipas.

Ibinase ito sa Labor Force Survey (LFS) para sa Enero 2021 na inilabas ngayong Martes, bagay na sumusuma sa 45.2 milyong labor force ng Pilipinas.

"Ang unemployed persons o bilang ng nasa labor force na walang trabaho o negosyo nitong Enero 2021 ay nasa 4.0 million," paglalahad ng PSA.

Kahit 3.8 milyon lang ang may empleyo noong Oktubre 2020, pareho lang na 8.7% ang unemployment rate sa buwang iyon at noong Enero 2021.

Mas mataas kasi ang labor force participation rate (LFPR) noong Enero sa 60.5% kumpara sa 58.7% noong Oktubre.

Kumakatawan ang "labor force" sa mga indibidwal na 15-taong-gulang pataas na maituturing na employed o unemployed sa pamantayan ng gobyerno.

Nananatiling Calabarzon ang may pinakamataas na unemployment rate sa bansa sa 13.1% habang pnakamababa ito sa Zamboanga Peninsula na may 3.6%. "Kumpara sa Oktubre 2020, labing-isa (11) sa mga rehiyon ay nakapagtala ng pagtaas sa unemployment rate nitong Enero 2021," dagdag pa ng PSA.

Umabot sa 17.6% pinal na kawalang-trabaho sa Pilipinas nitong Abril 2020, isa sa pinakamataas sa recorded-history, isang buwan matapos ibaba ang pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) na nagsara sa pagkarami-raming negosyo at nagkulong sa milyun-milyon sa kani-kanilang bahay dahil sa banta ng COVID-19.

Lunes lang nang ianunsyo ng gobyerno 15-year high sa unemployment para sa kabuuan ng 2020 kasabay ng negatibong epekto ng coronavirus disease (COVID-19) sa kabuhayan. Umabot kasi sa 10.3% ang unemployed na Pilipino noon na sumasalamin sa 4.5 milyong Pilipino.

Basahin: PSA: Unemployment hit 15-year high in 2020

"This is the highest recorded annual unemployment rate since April 2005," sambit ni national statistician Dennis Mapa.

"This reflects the effect of the various community quarantine restrictions, business closures and physical distancing measures that were put in place in the Philippines starting March 2020 amid the pandemic."

Walang bagong ayuda kahit disempleyo mataas

Kahit malaki-laki pa rin ang walang trabaho ngayon, hindi pa nakikita ng Palasyo ang pangangailangan ng bagong round ng "social amelioration" para sa mga nadali ang kabuhayan habang pandemya.

"Hindi pa po kasama sa mga option ang pamimigay ng ayuda," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang briefing kanina.

Aniya, mas prayoridad ngayon ng estado ang pagbubukas pang muli ng ekonomiya, pagpapalawig ng mga edad na papayagang lumabas ng bahay at pagpaparami pa ng transportasyon.

Meron din daw "three-pronged strategy" para sa economic recovery ng bansa, bagay na gagawin daw nang hindi naisasakripisyo ang kalusugan ng taumbayan.

"Pangalawa po, iyon 'yung pagpapatupad ng ating recovery package na nasa Bayanihan 1, Bayanihan 2, 2020 at 2021 national budget," dagdag pa ni Roque.

"Pangatlo po talaga, 'yung implementation ng ating vaccination program. Dahil ang sabi nga ng ating pangulo, magsimula lang ang pagbabakuna... talagang tuluyan na niyang bubuksan ang ekonomiya."

May trabaho dumami

Sa kabila nito, kapansin-pansing dumami ang bilang ng may trabaho o negosyo sa 41.2 milyon: "Ito ay mas mataas kaysa sa 39.8 million noong Oktubre 2020, subalit mas mababa sa bilang noong Enero 2020 na nasa 42.5 milyon," patuloy ng pamahalaan.

"Ang employment rate noong Enero 2021 ay nanatili sa 91.3 percent kung ikukumpara sa Oktubre 2020."

Kumpara sa mga kababaihan (91.2%), kapansin-pansing mas mataas ang employment rate ng mga lalaki (91.3%) sa nasabing buwan.

Enero lang nang iulat na bumulusok sa 9.5% ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas para sa buong taon ng 2020, na pinakamalalang pagkabansot sa ekonomiya sa kasaysayan simula nang mangolekta ng datos ang PSA noong 1947.

Kahapon lang nang sabihin ng Malacañang, Department of Health (DOH) at ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na hindi nila mairerekomenda ang pagbabalik ng Pilipinas sa ECQ at modified ECQ (MECQ) habang pinapaboran ang mas maliitang "localized" o "granular" lockdowns kahit na muling sumisipa ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Apat na araw nang lagpas 3,000 ang naiiulat na kaso ng bagong COVID-19 infections sa iisang araw lang, bagay na nag-aakyat sa mga kaso sa 597,763. Sa bilang na 'yan, patay na ang 12,521.

NOVEL CORONAVIRUS

PHILIPPINE STATISTICS AUTHORITY

UNEMPLOYMENT RATE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with