Imbestigasyon ng Kamara sa ‘misencounter’, iniliban
MANILA, Philippines — Sinuspinde muna ng komite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang itinakda sanang imbestigasyon sa malagim na shootout sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bisinidad ng isang mall sa Quezon City na kumitil ng buhay ng apat katao kabilang ang dalawang pulis noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert ‘Ace’ Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs , ipinagpaliban muna ng kaniyang komite ang imbestigasyon sa insidente na itinakda sana sa Marso 1, araw ng Lunes.
Sinabi ni Barbers na ito’y matapos namang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang National Bureau of Investigation (NBI) ang tanging ahensya na binibigyan niya ng kautusan na masusing magsiyasat sa insidente.
Dahil dito, sinabi ni Barbers na pansamantalang sinususpinde muna ng kaniyang komite ang imbestigasyon upang bigyang daan at hindi makasagabal sa pagsisiyasat ng NBI sa kaso.
Sa shootout sa parking area ng isang fastfood chain sa labas ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ay apat ang nasawi kabilang ang dalawang pulis, isang agent at isang informer ng PDEA sa nangyaring insidente noong Miyerkules ng hapon.
- Latest