Dobleng face mask vs COVID-19 variant pinag-aaralan

Ito ay makaraang irekomenda sa Estados Unidos ang dobleng face mask para magkaroon ng dagdag na takip sa mukha upang hindi makadaan ang ‘respiratory droplets’.
STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Pag-aaralan ng Department of Health (DOH) kung nararapat na ring pagsuutin ang mga Pilipino ng dobleng face mask para mas epektibong makaiwas na mahawa ng COVID-19 lalo na ng bagong variant.

Ito ay makaraang irekomenda sa Estados Unidos ang dobleng face mask para magkaroon ng dagdag na takip sa mukha upang hindi makadaan ang ‘respiratory droplets’.

Ngunit kung si Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire ang tatanungin, dobleng proteksyon na ang ginagawa ng mga Pilipino sa pagsusuot ng face mask at face shield.

“Kasi sa tingin natin ‘yung isang mask na suot natin plus the face shield is enough to be protec-ted. Mapapansin po natin from the time we implemented a mask and face shield hindi na masyadong nagba-balloon. Although tumataas ang kaso pero nama-manage po natin,” ayon kay Vergeire.

Sa Amerika, hindi inire-rekomenda ang pagsu­suot ng face shield sa ka­nilang mga mamamayan.

Sa kabila nito, marami pa ring mga Amerikano ang tumatanggi na magsuot maging ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Kung talagang nararapat ang pagsusuot ng isa pang face mask, kakailanganin ng DOH ng sapat na ebidensya na mas mabisa nga ito.

“But I think ‘yung isang mask which guarantees us itong proteksyon ng 60 to 70% plus yung face shield plus the physical distance which will give you about 99% protection is enough for now,” sabi ni Vergeire.

Show comments