Source ng UK variant sa Bontoc, hanap

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagha-hanap ng Department of Health (DOH) sa source ng COVID-19 United Kingdom variant na ku-malat sa Bontoc, Mountain Province.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa pagsusuri sa triaging system sa Cordillera Administrative Region (CAR), walong OFWs at overseas Filipinos ang bumalik sa bansa at pumasok sa rehiyon.

Tiniyak ng DOH na isasailalim ang walo sa PCR test upang matukoy kung sila ang may taglay ng UK variant ng virus.

Umaabot na sa 17 ang UK variant cases sa Pilipinas kung saan 12 ang nasa Bontoc at isa sa La Trinidad, Benguet.

Aabot sa 615 contacts ang natukoy na ng pamahalaan at naisailalim na sa PCR test. Isasailalim rin sa genome sequencing ang samples ng mga COVID positive sa mga lugar na may clustering ng mga kaso sa Mt. Province para matukoy kung sino ang may taglay ng UK variant.

Unang pinaghinalaan ang isang mag-asawa na galing sa UK na pinagmulan ng bagong variant sa Bontoc. Ngunit nang isailalim sa PCR test, nagnegatibo ang babae habang bagama’t positibo ang lalaki ay hindi naman niya taglay ang UK va-riant.

Show comments