Mahal? Chinese COVID-19 vaccine '3rd most expensive lang' â Malacañang
Tinuturukan ng healthcare worker na ito ang isang babae sa Yantai, China ng Sinovac Biotech vaccine laban sa COVID-19, ika-5 ng Enero, 2021
AFP/STR

Mahal? Chinese COVID-19 vaccine '3rd most expensive lang' — Malacañang

James Relativo (Philstar.com) - January 14, 2021 - 3:34pm

MANILA, Philippines — Pinalagan ng Malacañang ang pag-alma ng ilang sektor sa coronavirus disease (COVID-19) mula sa Chinese manufacturer na Sinovac matapos kumalat ang balitang mahal at mababa ang bisa nito — aniya, "paninira" lang ang mga 'yan ng oposisyon.

Una na kasing sinabi ni Sen. Sonny Angara na nasa P3,629.50 ang Sinovac para sa dalawang doses, ang ikalawang pinakamahal sa brands kasunod ng bakuna ng Moderna na nasa P4,504/dalawang dose.

Pero ayaw pang kumpirmahin ng Palasyo kung makatotohanan ang mga inilulutang na presyo.

"I'm not at liberty but I can say, sa lahat po ng oorderin natin, hindi po pinakamahal ang Sinovac," ani presidential spokesperson Harry Roque sa isang media forum, Huwebes.

"Kung hindi po ako nagkakamali, pangatlong pinakamahal lang po siya out of six brands. It is in the mid-range. So wala pong katuturan ang nginangawa ng mga kritiko na napakamahal ng Sinovac."

Ngayong araw lang nag-apply para sa emergency use authorization (EUA) ang Sinovac para agad na magamit, kahit na sinasabing darating na ang bakunang Tsino sa Pebrero. Sinasabing Sinovac lang ang available sa Pilipinas hanggang Hunyo 2021 kahit may ilan ding darating mula Pfizer.

Tanging ang bakuna pa lamang ng Pfizer Inc. at German partner nito na BioNTech SE ang ginagawaran ng EUA ng Food and Drug Administration (FDA), bagay na kanilang kinumpirma ngayong araw.

Basahin: Philippines approves Pfizer’s coronavirus vaccine for emergency use

"Alam niyo kasi ang Tsina, hindi 'yan kapitalistang bansa. Komunista 'yan. So their prices are not driven by market forces," pagtitiyak ni Roque pagdating sa Sinovac.

"I can assure you, nabigyan po tayo ng presyo na ukol lamang sa kanilang BFF [best friend forever]."

Kanina lang nang sabihin ni Angara na ang presyong una niyang inilabas ay base sa datos na nakalap nila sa Department of Health (DOH) dalawang buwan na ang nakalilipas, kung kaya't baka nagbago na raw ang mga presyo.

Maliban diyan, kasasabi lang ni vaccine czar Carlito Galves nitong Miyerkules na pwede bang maiba sa "market price" ang bentahan ng Sinovac at maibaba ng halos 300% sa pamamagitan ng COVAX facility.

Usapin ng efficacy

Sa kabila ng mga ito, mainit ding pinag-uusapan kung magiging epektibo nga ba ang "mid-range" priced vaccine mula Tsina — isang bansang malapit sa Palasyo kahit na nang-aagaw ng teritoryo't exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Lumabas kasi sa bagong pag-aaral ng Brazil na nasa 50.4% lang ang efficacy rate nito, o 'yung porsyento na kayang ibawas sa mga nahahawaan ng sakit kumpara sa mga hindi bakunado.

Iba ang efficacy rate na lumabas sa mga pag-aaral ng Turkey at Indonesia pagdating diyan, na parehong nagtala ng 91.25% efficacy rate.

Pero hindi naman daw kailangang mabahala diyan ayon kay Dr. Edsel Salvana, isang infectious diseases expert na kinapanayam ni Roque.

"Para doon sa emergency use po kasi, ang sinet na minimum efficacy ng WHO, na sa tingin nila will be a useful vaccine, is 50% po talaga," ani Salvana.

"Any vaccine that prevents 50% of disease, whether it's mild, moderate or severe, 'yun po eventually ay useful vaccine."

May kinalaman: Gov't urged to call off Sinovac purchase after vaccine shows 50% efficacy in Brazil

Basahin: Duterte takes 'full responsibility' for vaccine acquisition amid Sinovac concerns

Kung ikukumpara raw ang COVID-19 vaccines sa flu vaccines, 30-70% lang daw ang effectivity nito para mag-prevent ng clinical disease: "Pero 82% po siya effective at preventing you from ending up in the [intensive care unit] from influenza," dagdag niya.

Sa huling taya ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, umabot na sa 492,700 ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa. Sa bilang na 'yan, patay na ang 9,699 katao.

COVID-19 VACCINE DEPARTMENT OF HEALTH HARRY ROQUE NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with