
Ilang solons nalabag ang health protocols
MANILA, Philippines — Sa gitna na rin ng matinding banta na magkahawaan sa COVID-19 pandemic, pinaalalahanan ng health experts ang publiko at maging mga opisyal ng gobyerno na sumailalim sa self-quarantine kapag na-expose sa isang COVID positive patient kahit na lumabas pa na negatibo sa inisyal na pagsusuri.
Ayon kay Dr. Beverly Ho, Director ng Health Promotion and Communication Service sa oras na makumpleto ang quarantine, kahit pa man asymptomatic at negatibo sa COVID test ay saka pa lamang dapat babalik sa normal activities ang inbiduwal na may exposure sa isang COVID-19 positive.
Malinaw din sa direktiba ng World Health Organization (WHO) ang kahalagahan ng quarantine sa mga na-exposed sa COVID positive patient kahit ano pa man ang resulta ng isinagawang test dahil ang COVID ay maaaring mag-develop sa pagitan ng 2-14 araw pagkatapos ng exposure.
Ang pag-obserba sa tamang health protocol partikular na sa usapin ng quarantine ay lumutang kasunod na rin ng naiulat na paglabag umano ng ilang lider ng Kamara na nagkaroon ng direktang exposure kay TESDA Director Director Isidro Lapeña na nagpositibo sa virus sa isang dinner kasama ang ilan pang mga opisyal ng Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19.
Nakadalo pa sa hearing sa Senado noong Nobyembre 20 si Lapeña kaya si Sen. Joel Villanueva na may direktang kontak dito ay nag-obserba ng quarantine pero ang ilang House leader ay hindi umano nag-self quarantine.
Sinabi naman ni Diwa Partylist Rep. Mike Aglipay na nang magpositibo si Lapeña sa virus ay sumailalim sila lahat na dumalo sa dinner meeting sa COVID test at lahat sila ay nagnegatibo kung saan nag-self quarantine pa rin ang solon sa kanilang tahanan.
Sa kasalukuyan, negatibo na si Lapeña sa virus subalit nanatili siya sa isolation kahit pa man siya ay asymptomatic, ani Lapeña istrikto niyang inoobserba ang protocols pero nalusutan pa rin kaya gusto niyang maitrace kung saan niya nakuha ang virus upang matigil ang pagkalat nito.
- Latest