

Kaso ng COVID-19 sa bansa umakyat sa 425,918; patay 8,255 na
MANILA, Philippines — Ngayong selyado na ang kasunduan ng Pilipinas para sa AstraZeneca coronavirus disease vaccines ngayong araw, patuloy pa rin ang pagsirit ng bilang ng kaso sa bansa sa pagpapatuloy ng community quarantine restrictions.
Tumuntong na kasi sa 425,918 ang kumpirmadong infections sa Pilipinas, matapos pang mahawaan ang 1,631 katao, ulat ng Department of Health ngayong Biyernes.
Sa kabila ng bahagyang pagtaas ng daily cases, nasa 10 laboratoryo pa ang hindi nakapagpasa ng kani-kanilang mga datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS) — dahilan para hindi maiulat ang iba pang kaso.
Sa mga nakapagsumite ng mga bilang, nahinuha na karamihan sa mga bagong COVID-19 cases ay galing sa:
- Quezon City (116)
- Rizal (101)
- Davao City (95)
- Laguna (89)
- City of Manila (65)
Nasa 30,047 naman sa ngayon ang bilang ng "active cases" sa bansa. Ito ay matapos iawas sa case tally ang mga gumaling at namatay na sa peligrosong virus.
Sumatutal, 8,255 na ang binabawian ng buhay matapos dapuan ng COVID-19. Mas marami 'yan ng 46 kumpara sa mga bilang ng DOH nitong Huwebes.
Nasa 370 naman ang newly reported recoveries, dahilan para humakbang ang mga gumagaling sa nakamamatay na sakit sa bilang na 387,616.
Tinanggal naman na mula sa total case count ang 10 duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang pito sa kanila ay gumaling na.
Kaugnay niyan, nireklasipika naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng 13 katao mula sa COVID-19.
AstraZeneca vaccines
Ngayong araw lang nang pirmahan ng Pilipinas ang kontrata para bumili ng 2.6 milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine, bagay na ifi-finance sa pamamagitan ng private sector donations.
"This pandemic has an upside. It has brought us closer together us a people, bringing out the best in everyone," wika ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. kanina.
"We have confidence in the vaccine being developed by AstraZeneca."
Paliwanag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder na si Joey Concepcion, umaasa silang darating ang naturang COVID-19 vaccines pagsapit ng Mayo o Hunyo 2021.
Pinag-uusapan na rin aniya ang pagbili pa ng isang milyong doses ng COVID-19 vaccines mula Astrazeneca, bagay na labas pa sa saklaw ng tripartite agreement na nilagdaan ngayong araw.
Una nang kwinestyon ng mga vaccine experts mula Estados Unidos ang pagiging epektibo ng AstraZeneca, sa dahilang dalawang beses nang naantala ang clinical trials nito. Meron kasing dalawa sa kanilang study participants na nagkaroon ng "seryosong karamdaman."
Umabot na sa 60.07 milyon ang kaso ng COVID-19 ngayon sa buong daigdig, ayon sa pinakabagong tala ng World Health Organization. Nasa 1.41 milyon naman sa kanila ang namamatay matapos madali ng sakit.
- Latest