^
Makabayan bloc iginiit sa Senado na hindi sila CPP-NPA officials, members
Kuha ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate habang nagbibigay ng kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, ika-24 ng Nobyembre
Video grab mula sa Youtube channel ng Senate of the Philippines

Makabayan bloc iginiit sa Senado na hindi sila CPP-NPA officials, members

James Relativo (Philstar.com) - November 24, 2020 - 2:45pm

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng mga militanteng mambabatas sa Kamara at ilang lider progresibo ang kanilang pagiging lider at kasapi ng Communist Party of the Philippines-New Peoples' Army (CPP-NPA) sa pagdinig ng Senado hinggil sa red-tagging, Martes.

Ito ang naging tugon ng mga grupo — na pinangungunahan ng Makabayan bloc sa Konggreso — matapos ang maka-ilang ulit na pag-uugnay sa kanila ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa armadong rebelyon laban sa gobyerno.

Nitong Oktubre lang din nang magpresenta ang naturang government task force ng "dating rebelde diumano" sa kataugan ni Jeffrey "Ka Eric" Celiz na magpapatunay diumano sa mga akusasyon, kahit naisama sa drug-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Basahin: NTF-ELCAC presents alleged former rebel amid red-tagging campaign

"Tahasan kong sinasabi sa Komiteng ito [Sen. Panfilo Lacson] na hindi ako miyembro o opisyal ng [CPP]. Hindi ako rebelde o miyembro ng [National Democratic Front of the Philippines]," pahayag ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

"Pilit kaming iniiuugnay sa terorismo. Ito ay isang malaking kasinungalingan."

Dati nang kinasuhan ng kidnapping, child abuse, human trafficking atbp. ang mga kinatawan ng Makabayan bilang "Batasan 6," ngunit ibinasura rin ng Department of Justice (DOJ) dahil sa "kawalan ng matibay na ebidensya."

Ang kanilang takot, nagagamit diumano ang red-tagging sa mas matindi pang paglabag ng karapatang pantao, gawa-gawang kaso at extrajudicial killings sa mga lider oposisyon at kritiko.

Ayon kay Cristina Palabay sa parehong pagdinig, secretary general ng human rights group na Karapatan, ilan lang ang abogadong sina Ben Ramos, Negros Occidental Councilor Toto Patigas, atbp. sa mga kaalyado nilang napatay kamakailan matapos ma-red-tag sa ilang poster sa Visayas. Ang paskil ay may nakalakip na hotline ng pulisiya. 

Aminado naman si Senior Superintendent Rodolfo Castil Jr., direktor ng Negros Occidential Police Provincial Office, na inutos niya ang pagpapakalat ng posters. 

"Sa inyo pong narinig, nangunguna po tayo sa pagtutulak ng mga isyu ng mamamayan katulad ng repormang agraryo, national industrialization, pabahay, social pension, education at iba pa," dagdag pa ni Zarate.

"Nilalabanan din natin ang matinding corruption at maging ang issue ng pork barrel system."

Bagama't kilala para sa kanilang kritisismo sa administrasyon ni Digong, bahagi ang Makabayan bloc bilang sa "top 10" na may pinakamaraming legislative proposals sa Kamara.

Matatandaang inamin ni Lt. Gen. Antonio Parlade, spokesperson ng NTF-ELCAC, na kasalukuyang minamanmanan ng gobyerno ang Makabayan bloc dahil sa kanilang pagiging "teroristang komunista" lalo na't meron nang Anti-Terrorism Law of 2020. 

Basahin: Makabayan bloc party-lists under surveillance, Parlade says

Hindi krimen ang pagiging miyembro ng CPP simula nang i-repeal ng Republic Act 7636 ang Anti-Subversion Act.

'Hindi nominated ng CPP'

Kaugnay ng mga paratang, itinanggi rin ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na ang CPP mismong nagnonomina sa mga "matataas na komunistang kadre" para makatakbo sa ilalim ng Makabayan bloc.

May kaugnayan: NTF-ELCAC inaantay lang ideklarang 'terorista' ang mga grupo gaya ng Gabriela

"Ang totoo, Mr. Chair [Lacson], ang Kabataan, bilang youth sectoral party, ay independent na pumili ng mga nominees sa demokratikong pamamaraan ayon sa aming Constitution and By-Laws," ani Elago.

"[W]e, in Kabataan, hold elections of partylist nominees after thorough deliberation of all nominations coming from our national leadership and membership governed by our National Convention and subject, to Comelec rules and regulations."

Aniya, nire-review din ang mga nominasyon at pinag-uusapan batay sa track record. Pampubliko rin daw ang mga dekomentong itoat bahagi na ng records ng Comelec.

Kamakailan lang din nang ibasura ng DOJ ang ilang kasong kidnapping laban kay Elago at iba pang youth groups dahil sa "pagkawala" diumano ng ilang kabataan.

Kasabay ng mga naturang pagdinig sa loob ng Senado ay ang kilos-protesta ng ilang grupo gaya ng League of Parents of the Philippines at Liga Independencia Pilipinas, na kumakatawan diumano sa mga magulang na "namatayan ng anak" matapos marekrut ng mga militante at NPA.

 

ANTI-TERRORISM LAW CARLOS ZARATE COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES MAKABAYAN BLOC NEW PEOPLE'S ARMY NTF-ELCAC SARAH ELAGO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with