Speaker Velasco: Parlade itigil mo 'red-tagging' sa Makabayan bloc
Makikita sa undated photo na ito si House Speaker Lord Allan Velasco
File
Speaker Velasco: Parlade itigil mo 'red-tagging' sa Makabayan bloc
(Philstar.com) - October 27, 2020 - 6:17pm

MANILA, Philippines — Binanatan ng pamunuan ng Kamara ang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa kanyang patuloy na pag-uugnay ng ilang progresibong mambabatas sa mga rebeldeng komunista — bagay na maaari raw makapaglagay sa mga solons sa malaking panganib.

Ito ang sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco, Martes, matapos aminin ni Parlade sinu-"surveillance" nila si Bayan Muna chairperson Neri Colmenares at buong Makabayan bloc dahil sa kaugnayan nila raw sa Communist Party of the Philippines-New People's Army — kahit walang court order.

Basahin: Makabayan bloc party-lists under surveillance, Parlade says

"Kung may ebidensya siya, tipunin niya at pumunta sa korte, hindi sa media," ayon kay Velasco sa wikang Inggles.

"[A]ng patuloy na red-tagging ni... [Parlade] sa ilang miyembro ng House of Representatives ay naglalagay sa kanilang buhay sa peligro bilang duly-elected officials."

Ilang ulit nang inuugnay ni Parlade ang Makabayan bloc at si Colmenares sa CPP at NPA sa mga media interviews nitong mga nakaraang araw, habang hindi nagprepresenta ng mga ebidensya.

Dagdag pa ni Velasco, tungkulin niya bilang speaker of the House na protektahan sila mula sa "potential harm" para na rin magampanan nila ang kanilang ligal at mandato bilang bahagi ng Kamara.

"Dapat ay... mag-ingat si Parlade sa paglalabas ng mga statements laban sa mga House members."

"Maaaring hindi kami nagkakasundo [ng Makabayan] sa ilang isyu, pero alalahanin natin na... uncalled for mag-implicate sa issue lalo na kung hindi pa substantiated." 

Ipinagtatanggol ngayon ni Velasco ang Makabayan bloc kahit na kilala siyang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, na madalas mabatikos ng mga militanteng konggresista.

Dati nang sinabi ng mga aktibistang lawmakers na delikado ang pagdidikit ng mga kritiko ng lipunan sa CPP-NPA, lalo na't minsa'y nauuwi ito hindi lang sa pagkakaaresto kung hindi minsan pati pagpatay.

Ilan sa mga ligal na aktibistang napatay matapos diumano i-"redtag" ay si Zara Alvarez, isang human rights worker mula sa Bacolod City. Agosto 2020 lang nang siya'y paslangin.

"Umaasa ako na ititigil na niya ang paglalabas ng unrestrained statements na maaaring magkaroon ng seryosong repurcussions," banggit pa niya.

Kahapon lang nang sabihin ng Palasyo na inuutusan ni Duterte na "manahimik" na lang ang mga security forces kaysa man-redtag kung wala namang ebidensya. 

"Keep quiet. That’s the policy relayed by [Defense] Secretary Lorenzana, which he made for and on behalf of the president," ani presidential spokesperson Harry Roque.

"Secretary Lorenzana said do not resort to red-tagging if you do not have enough evidence... If you have suspicions, proceed with your surveillance and if you have evidence then file the appropriate criminal complaint."

Basahin: Duterte to security forces: Sans evidence, just keep quiet

May kaugnayan: 'Ok ka lang, Parlade?': Red-tagging propaganda banned in Cavite

Isyu ng 'court order'

Sa kabila nito, ipinagpipilitan pa rin sa media ni Parlade na "sigurado" siyang CPP members ang Makabayan bloc kung kaya't dapat daw i-surveilance.

'Yan ay kahit na wala pang inilalabas na court order para ligal na matiktikan ng militar at pulis ang mga militanteng lider. Aniya, hindi naman daw nila kailangan ng court order halimbawa para mag-surveillance sa West Philippine Sea.

"We've been doing surveillance even before [the Anti-Terrorism Act of 2020], that's part of the job of the intelligence. That's the legal surveillance that the law prescribes, but I'm talking about intelligence surveillance," ani Parlade noong Lunes.

"I'm telling you, [the Makabayan bloc] had so many colleagues before who are now with us and explaining how it works in the organization, so aside from them, we have to validate all of this on the ground."

Hinihingi ng Article III Section 3 ng 1987 Constitution ang isang kautusan sa korte bago mapahintulutan na panghimasukan ang private communications at correspondence ng isang tao.

"Section 3. (1) The privacy of communication and correspondence shall be inviolable except upon lawful order of the court, or when public safety or order requires otherwise, as prescribed by law.cralaw

(2) Any evidence obtained in violation of this or the preceding section shall be inadmissible for any purpose in any proceeding."

Ganyan din ang hinihingi ng Section 16 at 17 ng anti-terrorism law, bagay na magbibigay sa otoridad na maniktik sa mga "pinaghihinalaang terorista" sa loob ng 60 hanggang 90 araw. — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio

ANTONIO PARLADE COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES LORD ALLAN VELASCO MAKABAYAN BLOC NEW PEOPLE'S ARMY NTF-ELCAC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with