Korapsyon sa DPWH inamin ni Villar

MANILA, Philippines  — Inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar ang nagaganap na korapsyon sa loob ng ahensya dahilan para ilang opisyal na ang kaniyang napatawan ng parusa.

Mula nang umupo siya bilang kalihim, marami na umanong mga opisyal at tauhan ng ahensya ang nailagay niya sa ‘floating status’ habang nasa 30 mga kontraktor ang kaniyang inilagay sa ‘blacklist’.

“Ito po ay malalaking contractors. Ito ‘yung pinakamarami in any administration,” ayon kay Villar.

Sa pagbubulgar ni Sen. Panfilo Lacson, may mga tawag na umano sa mga opisyal maging mula sa lehislatura na humihingi ng lagay. “Mabait” ang tawag sa kumokoleta ng 10%, “matakaw” naman sa mga 20-30% ang hinihingi at “balasubas” sa mga tumanggap ng ‘advance payment’ ngunit bumaligtad sa kasunduan.

Inamin ni Villar na “merong cases sa loob ng DPWH” ngunit hindi niya makumpirma ng 100 porsyento.

Matatandaan na ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na nasa P100 bilyong halaga ng proyekto ang ‘delayed’ o kaya ay hindi naipatupad ng DPWH para sa taong 2019.

Show comments