Ex-DOH chief: 'Pasang-awa' ang grado ng gobyerno vs. COVID-19
Makikitang sumusunod sa suspendidong reduced social distancing ang mga commuter na ito sa MRT Cubao station, ika-14 ng Setyembre, 2020
The STAR/Michael Varcas
Ex-DOH chief: 'Pasang-awa' ang grado ng gobyerno vs. COVID-19
James Relativo (Philstar.com) - September 18, 2020 - 11:32am

MANILA, Philippines — Kung tatanungin ang isang dating kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan, halos bagsak ang ibibigay niyang grado sa pamahalaan sa pagtugon nito sa problema ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

"Hindi pa po makakapasa...Baka pasang-awa po," ani dating Health Secretary Esperanza Cabral sa panayam ng dzMM Teleradyo, Biyernes nang umaga.

"Alam ko namang ginagawa nila lahat ng kaya nilang gawin. Ang ibig ko lang sabihin ay kailangang bilisan pa at palawakan pa at gumawa pa ng mga kailangan para sa lahat."

Aniya, marami sa mga ginagawa ng gobyerno bilang tugon sa pandemya ay mas akma para roon sa may pera at hindi para sa masang namromroblema maghanap ng makakain sa araw-araw.

Halimbawa, hindi raw talaga makasusunod ang mahihirap sa bara-barang pagre-require ng face mask at face shield: "Kailangan bigyan natin sila ng ganoon na paraan para makasunod sila sa mga polisiya," dadag ni Cabral.

Kahapon lang nang sabihin ni Trade Secretary Ramon Lopez na magpapagawa at magpapamudmod ang pamahalaan ng washable face masks, kung saan prayoridad mabigyan ang pinakamahihirap sa mahihirap.

Ibinigay ng Cabral ang kanyang assessment sa COVID-19 response matapos ipagmalaki ni presidential spokesperson Harry Roque na 85% na grado ang ibibigay niya sa gobyerno, kasabay ng posisyong isa sa pinakamahusay sa Asya at mundo ang Pilipinas pagdating sa testing policies kontra pandemya.

Basahin: 'Best in Asia': Malacañang binigyan ng 85 na grado ang sariling COVID-19 response

Pero hindi naman 'yan kinagat ng dating kalihim. Aniya, tila marami-rami pang bigas na dapat kainin ang pamahalaan kung gusto nitong pakampantehin ang mamamayan.

"Hindi po ako kuntento. Hindi po tayo makokontentong lahat. Dapat hangga't hindi bumababa sa talagang pinakamababa, kung maaari ay zero [ay hindi tayo makuntento]," dagdag pa niya.

"[P]ero kung bumaba siya sa 150 o 200 o 300, eh baka sabihin natin na pwede na siguro tayo makuntento, at gawin na natin kung ano pa 'yung mga ginagawa natin."

Matatandaang iniatras kahapon ng Department of Transportation (DOTr) ang plano nitong ibaba ang required physical distancing sa mga pampublikong sasakyan sa 0.75 metro matapos umani ng sari-saring batikos na pagmumulan pa ito nang pagsirit ng mga kaso ng COVID-19.

Kung hindi pa sinuspindi, desidido ang DOTr na ibaba ito sa 0.3 metro para higit na maparami ang mga mananakay na makasakay sa mga public transportation gaya ng tren.

Umabot na sa 276,289 ang tinatamaan ng nakamamatay na virus sa Pilipinas ngayon, ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH) noong Huwebes. Nasa 4,785 na sa kanila ang nasawi.

DEPARTMENT OF HEALTH NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with