Pagbabawas ng 'social distancing' sa public transpo suspendido muna
Sumusunod sa "reduced physical distancing" ang mga MRT-3 passengers na ito habang nagco-commute sa gitna ng COVID-19 pandemic, ika-14 ng Setyembre, 2020
The STAR/Michael Varcas
Pagbabawas ng 'social distancing' sa public transpo suspendido muna
James Relativo (Philstar.com) - September 17, 2020 - 1:16pm

MANILA, Philippines — Ipinahihinto muna ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagbabawas ng physical distancing sa mga pampublikong sasakyan kahit may coronavirus disease (COVID-19) pandemic, bagay na ipinatupad noong Lunes para makapagsakay nang mas maraming pasahero.

Ito ang naging pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang virtual briefing, Huwebes, lalo na't hindi pa raw nakakapagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung pabor o tutol siya rito.

"Balik one meter distancing po muna po tayo sa pampublikong transportasyon habang wala pa pong desisyon ang presidente kung ito nga po pupwede itong maibaba sa 0.75 [meters]," ani Roque.

Una nang sinabi ng DOTr na gagawin na lang nilang 0.75 metro ang dating isang metrong paglalayo-layo sa loob ng MRT, LRT at Philippine National Railways (PNR) na sinimulang ipatupad noong ika-14 ng Setyembre.

Plano pa itong ibaba nina Tugade sa 0.5 metro sa susunod na dalawang linggo, at gawing 0.3 metro na lang matapos ang isang buwan.

Ito ay kahit na isang metrong layo ang inirerekomenda ng World Health Organization na paglalayo sa isa't isa upang mabawasan ang tiyansang magkahawaan ng nakamamatay na COVID-19.

Basahin: Social distancing' sa public transpo babawasan mula Lunes, pasahero dadami 

Matatandaang pinalagan ng isang alyansa ng mga manggagamot at manggagawang pangkalusugan ang plano, sa dahilang baka mapasipa nito pataas ang COVID-19 cases sa Pilipinas.

“Tutol ang HPAAC (Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19) sa pag-relax ng social distancing measures in public utility vehicles,” ayon kay Dr. Antonio Dans tatlong araw na ang nakalilipas.

"Sa tingin namin, pag titignan natin ang curve ng pandemic na ito, masyadong maaga pa at malamang na dumami lalo ang kaso at bumagal ang recovery natin kung gawin natin ito ngayon."

May kaugnayan: ‘Too soon’: Doctors group opposes eased distancing in public vehicles

Ayon kay Roque, maaaunsiyame rin ang nauna nang plano na pagdesisyunan ni Duterte ang isyu ngayong araw, at maaaring talakayin na lang ito ng pangulo sa susunod na linggo.

"Ang report po na pag-aaralan ni presidente ay isusumite pa lang ngayong araw po. At inaasahan natin na siguro po, magkakaroon ng desisyon ang presidente sa Lunes sa kanyang susunod na talumpati sa taumbayan," dagdag pa niya.

Pinakamalaking MRT deployment

Kaugnay ng balita, sinabi kanina ng pamunuan ng DOTr-MRT-3 na nasa 21 train sets ang pinatatakbo ng linya ng tren kahapon sa gitna ng COVID-19 pandemic — ang pinakamalaki sa kasaysayan ng nasabing mass transit system na nagseserbisyo sa kahabaan ng EDSA.

Kasama diyan ang nasa 18 CKD train sets at tatlong Dalian train sets na binili ng gobyerno mula sa Tsina sa ilalim ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Paliwanag ni MRT-3 Director for Operations Michael J. Capati, ito ay bahagi raw ng pagsisikap nila na mapaiksi ang "waiting time" ng mga pasahero para makasakay ng tren.

"This is a product of DOTr and MRT-3’s collaboration to improve the rail line’s service for the riding public. We want to keep our commitment to provide our passengers with the best service they can experience. As Secretary Tugade always says, we owe it to our passengers," ani Capati.

Wala rin daw naitalang unloading incident, o biglaang pagpapababa ng mga pasahero nang 'di oras, simula pa nang manumbalik ang operasyon ng linya noong ika-1 ng Hunyo.

DOTr MRT-3 Press release 17 September 2020 MRT-3 FIELDS 21 TRAIN SETS; RECORDS HIGHEST NUMBER OF RUNNING TRAINS ON THE...

Posted by DOTr MRT-3 on Wednesday, September 16, 2020

Giit ng linya, patuloy ang pagpapatupad ng striktong health at safety protocols tulad ng physical distancing, pagpapasuot ng face mask at face shield, pagbabawal sa pagkain, pagsasalita at pagtawag sa anumang mobile device.

Ipinagmamalaki ng MRT-3 ang nasabing "record high" train deployment kahit na 204 na pasahero lang ang pinasasakay nila sa buong train set nang sabay-sabay — bagay na 17% lang nang buong kapasidad ng tren. Dahil diyan, 68 katao ang pwedeng sumakay ngayon sa mga bagon. 

Mas marami 'yan kumpara sa dating 153 passengers na pwedeng sumakay nang sabay-sabay sa MRT-3, na nangangahulugan ng 51 katao kada bagon.

HARRY ROQUE LRT MRT NOVEL CORONAVIRUS PHILIPPINE NATIONAL RAILWAYS PUBLIC TRANSPORTATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with